
MANILA, Philippines- Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang masusing pag-aaral para sa posibleng pagkakaloob ng “nomad” visas para makahikayat ng long-stay tourists sa Pilipinas at makatulong namapalakas ang sektor ng turismo.
Ang pahayag na ito ng Pangulo ay matapos na makipagpulong sa Private Sector Advisory Council for Tourism (PSAC-Tourism) sa Palasyo ng Malakanyang, araw ng Miyerkules, Hulyo 3.
Sa nasabing pagpupulong, tinukoy ni PSAC-Tourism member LT Group president at CEO Lucio Tan III ang pangangailangan para sa Pilipinas na sumunod sa Southeast Asian neighbors at magpalabas ng nomad visas o kahalintulad na remote work visas para makahikayat ng long-term foreign visitors, partikular na ang freelancers.
Pinapayagan ng Nomad visas ang mga indibidwal na tumira at magtrabaho sa labas ng kanilang ‘home country’ habang nagtatrabaho doon.
“We need to issue nomad visas quickly to attract long-stay tourists. Other countries like Thailand, Malaysia, and Indonesia are already benefiting from this approach,” ayon kay Tan.
Inirekomenda ng PSAC-Tourism na magpalabas si Pangulong Marcos ng isang Executive Order (EO) para agad na ipatupad ang nomad visas nang walang tax incentives, na maaari namang idagdag sa oras na maipasa na ang batas.
Bilang tugon, nagpahayag naman ng kanyang pagsuporta si Pangulong Marcos sa naturang interim solution at inatasan ang Office of the Executive Secretary na agad na magbalangkas ng EO at pumili ng pilot country para sa inisyatiba.
Ang ilan sa Asian countries na nagkakaloob na ng digital nomad visas o kahalintulad na remote work visas para sa kwalipikadong Filipino ay ang:
Malaysia (tatlo hanggang 12 buwan, renewable para sa karagdagang taon)
South Korea (isang taon)
Taiwan (pinapayagan naman sa Gold Card ang digital nomads na pumasok at lumabas ng Taiwan para sa isa hanggang tatlong taon)
Thailand (limang taon na may 180-day stay period)
United Arab Emirates (isang taon)