Home NATIONWIDE Bong Go: Mag-ingat sa nakamamatay na init

Bong Go: Mag-ingat sa nakamamatay na init

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pagkaalarma si Senate committee on health chairperson Senator Christopher Lawrence “Bong” Go sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng napakataas na heat index sa ilang bahagi ng bansa.

Sinabi ng PAGASA na hindi bababa sa siyam na lugar sa bansa ang nakapagtala ng heat index na itinuturing na “danger level” na. Ang heat index na mula 42 hanggang 51 degrees ay itinuturing na “mapanganib” o nakamamatay na.

Pinalala pa ng pagsisimula ng tagtuyot at ng patuloy na El Nino phenomenon. Pumalo sa 44 degrees Celsius ang heat index sa Roxas City habang ang San Jose sa Occidental Mindoro, Masbate, Butuan at Iloilo City ay may heat index na 43 degrees noong nakaraang Martes.

Ang mga lugar na may mas mababang antas ay ang Pili sa Camarines Sur, Puerto Princesa City at Pasay City, sa kaparehong araw.

“Ayon sa darating na panahon, tataas pa ang heat index ng bansa dahil kakaumpisa pa lang ng ating tag-init. Andyan din ang El Niño na nagdudulot ng mas mainit na temperatura. Kaya mag-ingat po tayo at alagaan ang ating kalusugan,” sabi ni Go.

Inaasahan ng PAGASA na aabot sa 52 degrees o mas mataas ang heat index, na nauuri na bilang “extreme danger level” hanggang Mayo.

“Isang malaking risk dito ay heat stroke, maliban sa heat exhaustion. Upang maiwasan ito, ugaliing uminom ng sapat na tubig at huwag magbabad sa araw hanggang maaari. Proteksyunan natin ang mga bata at matanda,” ang payo ni Go.

Noong nakaraang Marso 23, isang 71-anyos na lalaki, kinilala bilang “Tony”, ang namatay matapos mahulog sa kanyang motorsiklo sa Roxas City. Idineklara siyang dead on arrival sa Roxas Memorial Provincial Hospital.

Sinabi ng attending doctor na namatay si Tony dahil sa heart attack na dulot ng heat stroke.

Kaugnay nito, pinayuhan ni Go ang publiko na gamitin ang mga serbisyo ng alinman sa 161 Malasakit Centers na matatagpuan sa buong bansa sakaling kailanganin nila ng tulong-medikal.

Ang Malasakit Center ay isang one-stop shop kung saan ang mga ahensya ng gobyerno na nagbibigay ng tulong medikal, tulad ng Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Philippine Charity Sweepstakes Office at PhilHealth, ay nasa ilalim ng isang bubong. RNT

Previous articlePagbuwag ng ‘mass bases’ nagpahina sa NPA – NTF-ELCAC
Next article9 patay sa karahasan sa Ecuador