MANILA, Philippines- Ipinaalala ni Senator Christopher “Bong” Go sa mga opisyal ng kalusugan na huwag haluan ng pulitika ang tulong medikal at serbisyong pangkalusugan ng gobyerno.
Ito ay kasunod ng pagkabahala ng Private Hospitals Association of the Philippines sa pagkaantala ng pagbabayad sa programang Medical Assistance to Indigents and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) bilang resulta ng pagkatalo sa eleksyon ng ilang politikong sponsor ng medical assistance.
“Bakit kailangan haluan ng pulitika ang pagtulong sa ating mga kababayan? Paalala ko lang po sa DOH, huwag pong gamitin ang medical assistance sa pulitika,” sabi ni Senator Go.
Krusada ang pagreporma sa kalusugan, palaging naniniwala si Go na ang kalusugan ay isang pangunahing karapatan kaya layon niyang tiyakin na ang pampublikong pondo para sa mga serbisyong pangkalusugan ay nagagamit upang pakinabangan ng mga Pilipinong nangangailangan.
“Karapatan po iyan ng Pilipino. Pera po ng taumbayan iyan,” idinii ni Go.
Ikinalungkot ng mambabatas mula sa Davao City ang pagtukoy sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.
“DBM, maaaring sagutin ninyo po ito. Baka mamaya magtuturuan parang ping pong na naman ang sagutan natin,” ani Go.
Sa nakaraang pagdinig, iniulat ng Department of Health (DOH) ang kabuuang alokasyon sa MAIFIP na PhP 41 bilyon sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA).
Patuloy na idinidiin ni Go na ang mga mahihirap na pasyente ay hindi dapat dumanas ng bureaucratic delays.
Bilang chairperson ng Senate committee on health, prayoridad niya na dapat na patuloy na maibigay ng gobyerno ang accessible at abot-kayang healthcare services sa bawat Pilipino.
Ang pagdinig noong Martes ay ang unang pagdinig na isinagawa ni Senator Go pagkatapos ng midterm elections.
“Tapos na po ang eleksyon. Tigil na ang pulitika. Trabaho na tayo,” paalala ni Go. RNT