Home NATIONWIDE Pag-abswelto kay Enrile sa PDAF scam pinagtibay

Pag-abswelto kay Enrile sa PDAF scam pinagtibay

MANILA, Philippines- Pinagtibay ng Sandiganbayan Special Third Division ang desisyon nitong iabswelto si dating Senador at ngayo’y chief presidential legal counsel Juan Ponce Enrile sa kasong plunder kaugnay ng pork barrel scam.

Sa inilabas na resolusyon, pinawalang-sala rin ang dating chief of staff ni Enrile na si Gigi Reyes at negosyanteng si Janet Lim Napoles.

Ibinasura ng Sandiganbayan ang motion for reconsideration ng mga piskal na nagsabi na mismong ang kanilang testigo na sina Benhur Luy at Ruby Tuason ang nagsalaysay na si Napoles ang nagmungkahi ng maanomalyang proyekto at pinayagan ni Enrile na mailabas ang kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) para rito.

Sinabi ng Third Division na walang basehan ang pahiwatig ng prosekusyon na hindi pinag-aralan nang husto ng mga mahistrado ang mga iprinisintang ebidensya.

“We find baseless the prosecution’s insinuation that the challenged decision had been based on the following: wrong and irrelevant considerations; selective and incomplete appraisal of the prosecution evidence; and, gross misapprehension of the facts and evidence,” nakasaad sa resolusyon.

Sa hiwalay na komento naman nina Enrile, Napoles at Reyes, kulang sa merito ang apela ng prosekusyon at labag umano sa kanilang kaparatan laban sa double jeopardy.

Iginiit ng Sandiganbayan na binigyan ng sapat na pagkakataon ang prosekusyon para maghain ng mga matitibay na ebidensya para kontrahin ang demurrers to evidence ng mga akusado.

Sinabi ng korte na bigo ang prosekusyon na patunayan na nakatangap si Enrile ng porsyento mula sa PDAF scam. Teresa Tavares