Home NATIONWIDE Bong Go nanawagan ng patas, malinis, payapang halalan

Bong Go nanawagan ng patas, malinis, payapang halalan

MANILA, Philippines- Mariing kinondena ni Senador Christopher “Bong” Go ang karahasan na may kaugnayan sa halalan at nanawagan siya para sa isang patas, malinis at mapayapang halalan sa gitna ng kasalukuyang kampanya. 

Sa pagsasalita sa pagtitipon ng Vice Mayors’ League of the Philippines na ginanap sa Century Park Hotel sa Maynila, tinuligsa ni Senator Go ang napaulat na insidente ng pamamaril sa Datu Piang, Maguindanao del Sur. 

“Ngayon, merong barilan na naganap. Kinukundena natin ‘yung karahasan. Kinukundena ko po ang marahas na pamamaril sa isang vice mayor po ng Datu Piang, Maguindanao del Sur,” ani Go na idineklara ang kanyang tindig laban sa karahasan.

Nangyari ang pamamaril dakong alas-10 ng umaga habang ang biktima na isang bise alkalde ay nagtatalumpati sa maraming tao sa Barangay Magaslong, Datu Piang. 

Hindi pa matukoy ng mga awtoridad kung ang pag-atake ay ginawa gamit ang sniper rifle o baril na may silencer. Agad na isinugod sa ospital ang sugatang opisyal at iniulat na nasa ligtas nang kondisyon.

Binigyang-diin ng senador, na naging hayag sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bansa, ang kahalagahan ng patas na halalan, partikular sa papalapit na botohan sa Mayo 12.

“Patas-patas lang po sa eleksyon—bigyan natin ng karapatan ang Pilipino pumili, respetuhin ang will of the people. Alam n’yo, mas masarap ang pakiramdam ‘pag nanalo ka na pinili ka talaga ng taong bayan, at minahal ka ng taong bayan, dahil totoo kang nagseserbisyo,” sabi ni Go.

Nanawagan din si Go sa law enforcement agencies na agarang lutasin ang kaso at tiyaking mabibigyan ng hustisya ang biktima.

Inulit niya ang kanyang apela para sa kapayapaan at hinimok ang mga awtoridad na palakasin ang mga hakbang sa seguridad. RNT