MANILA, Philippines – Nagpahayag ng matinding pagkabahala si Senator Christopher “Bong” Go sa malaking pinsalang idinulot ng dalawang nagdaang bagyo na sumira sa mga pananim sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas.
Ang pagkawasak na ito ay nag-iwan sa maraming magsasaka na nagpupumilit na makabangon, kaya nanawagan si Go ng komprehensibong suporta ng pamahalaan upang matulungan ang mga magsasaka na makarekober at matiyak ang kanilang pangmatagalang katatagan.
“Ang hirap ng pinagdadaanan ng ating mga magsasaka. Kailangang dagdagan pa ang suporta ng gobyerno para sa kanila, lalo na sa mga lugar na laging naapektuhan ng kalamidad,” ani Go.
Inihalimbawa ang kaso ng Baggao, Cagayan kung saan sinabi ni Go na daan-daang magsasaka ng mais ang naapektuhan ang mga ani ng bagyong Leon. Binigyang-diin ng senador ang paulit-ulit na kinakaharap ng sektor ng agrikultura sa mga lugar na madaling kapitan ng kalamidad.
Ani Go, dapat palakasin ang mga mekanismo ng suporta sa mga Pilipinong magsasaka upang mapangalagaan sila laban sa mga hindi inaasahang sakuna. Ang mga magsasaka, aniya, ay gumaganap ng mahalagang papel sa pagpapanatili ng suplay ng pagkain sa bansa ngunit nananatiling lubhang mahina sa panahon ng krisis.
Dahil dito, itinataguyod ni Go ang full crop insurance coverage para sa mga benepisyaryo ng repormang agraryo, para matiyak na sila ay mababayaran sa pagkalugi dahil sa mga natural na sakuna, pest infestation at plant diseases nang walang pasanin o malaking babayarang premium.
Hinimok din niya ang pagpapalawak ng coverage ng Philippine Crop Insurance Corporation upang isama ang mga non-crop agricultural assets, tulad ng livestock at fisheries.
Bukod pa rito, binigyang-diin din ni Go ang kahalagahan ng mas accessible at pinasimpleng credit facilities para sa farmers upang maprotektahan sila sa mga predatory lending practices.
Ibinahagi ng mga magsasaka mula sa mga lugar tulad ng Baggao ang kanilang mga karanasan sa pagsagip ng kaunting maaari nilang makuha mula sa mga bukirin na sinalanta ng baha. Sinabi ni Go na bagama’t kailangan ang agarang lunas, ang mga pangmatagalang solusyon ay mahalaga para sa pagbuo ng katatagan sa loob ng sektor.
“Ang mga simpleng hakbang tulad ng pagbibigay ng libreng binhi, abono, at makinarya ay malaking tulong na. Pero dapat ay mas palawakin pa natin ang farmers’ markets kung saan direkta nilang maibebenta ang kanilang mga ani sa mga mamimili,” anang senador. RNT