Home NATIONWIDE Bong Go: Pagsuspinde sa SSS contribution hike, ikonsidera

Bong Go: Pagsuspinde sa SSS contribution hike, ikonsidera

MANILA, Philippines- Suportado ni Senator Christopher “Bong” Go ang panukalang pansamantalang pigilan ang nakatakdang pagtaas ng Social Security System (SSS) contribution ngayong taon.

Sinabi ni Go na ito ay dahil sa matinding pangangailangang maibsan ang pinansiyal na pasanin ng mga manggagawa at maliliit na negosyo sa gitna ng patuloy na pagtaas ng inflation rate.

Ang pagtaas ng kontribusyon sa 15% mula sa sahod ng mga pribadong empleyado ay ipinag-uutos sa ilalim ng Republic Act (RA) 11199, o ang Social Security Act of 2018.

Hinikayat ni Go ang mga tagapamahala sa pananalapi ng gobyerno na masusing suriin at isaalang-alang ang panukalang ito upang hindi mabigatan ang mga mahihirap ngunit hindi makokompromiso ang mga benepisyo na maaari nilang asahan mula sa SSS.

Binanggit ni Go na maraming Pilipino ang nahaharap sa krisis dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo habang ang gobyerno ay nahihirapang sa pagtarget na ideal inflation.

“Nananatiling mataas pa rin ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo, at hindi naman natin inaasahang bababa agad ito sa ideal inflation target ng gobyerno sa susunod na buwan,” sabi ni Go.

Layon aniya ng suspensyon ng SSS contribution hike na “makahinga sa mga gastusin” ang mahihirap at ang maliliit na negosyo na huwag madagdagan ang kanilang pasanin sa buhay.

Binigyang-diin ni Senator Go na kahit na ang kaunting kaltas sa take-home pay ng minimum wage earners at mahihirap na manggagawa ay mangangahulugan ng malaking pagbawas sa kanilang mahahalagang pangangailangan.

“Para sa mga mahihirap nating manggagawa, ang bawat pisong binabawas sa kanilang net take-home pay ay pwede pa sanang pandagdag pambili ng kanilang pagkain. Para sa akin, mas mahalaga ang laman ng sikmura ng mga Pilipino dahil ayaw nating merong mga kababayan nating natutulog sa gabi na gutom,” idiniin ni Go.

Kaya naman umapela ang senador sa SSS Board na suriin ang posibilidad ng pagsuspinde sa nakatakdang pagtataas ng kontribusyon nang hindi nakompromiso ang pondo ng ahensya.

Ang pagtaas sa SSS premiums ay bahagi ng RA 11199, na nag-uutos ng regular na pagtaas ng kontribusyon kada dalawang taon para mapahusay ang financial stability ng pension fund.

Ang rate ay unang itinakda sa 12% noong 2019, tumaas sa 13% noong 2021 at 14% noong 2023. Para sa 2025, ang mga kontribusyon ay nakatakdang umabot sa 15%, kung saan ang mga employer ay sumasakop sa 10% at ang mga empleyado ay nag-aambag ng natitirang 5%. RNT