Home NATIONWIDE Bong Go: Pamilya Duterte, ‘di kailanman umiiwas sa pananagutan

Bong Go: Pamilya Duterte, ‘di kailanman umiiwas sa pananagutan

MANILA, Philippines- Kaugnay ng kasong Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, ipinagtanggol ni Senator Christopher “Bong” Go ang pamilya Duterte sa pagsasabing nakahanda ang mga itong harapin ang mga akusasyon at gampanan ang kanilang tungkulin nang may integridad.

Inilarawan niya sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at VP Sara Duterte bilang mga lingkod-bayan na hindi umiiwas sa pananagutan, lalo na sa harap ng kontrobersyang pulitikal.

“Kilala ko po ang mga Duterte, Mr. Presiding Officer. Hindi sila tumatakas sa accountability. Hindi sila tumatalikod sa hamon ng buhay. Hindi sila tumatalikod sa kanilang tungkulin,” deklara ni Go. 

Idinagdag niya na ang dating Pangulo ay patuloy na nagsasabi ng kahandaang harapin ang anumang mga paratang, “dito sa ating bayan, hindi sa ibang bansa.”

Idiniin niya na maging si VP Sara ay nauna nang nagsabi na haharapin ang Impeachment case na isinampa laban sa kanya. 

Hinggil sa ligal na proseso ng Impeachment, nagbabala ang senador laban sa pagsusulong ng paglilitis nang hindi muna nireresolba ang mga seryosong tanong sa Konstitusyon. 

Pinuna niya ang umano’y procedural inconsistencies, partikular ang paghawak sa maraming reklamong Impeachment. 

“We are all for accountability. In fact, maganda nga sana mapakita ng accused at ng accusers kung may ebidensya ba o wala. Pero bilang mga mambabatas, dapat siguraduhing alinsunod ito sa batas at tamang proseso,” aniya.

Pinaboran ni Sen. Go ang naging hakbang ng Senado na ibalik sa House of Representatives (HOR) ang articles of Impeachment. 

Iginiit ni Go na kailangang tiyakin na ang hustisya ay itinataguyod sa tamang paraan at ginagarantiyahan na ang mga wastong proseso ay nasusunod, alinsunod sa batas. 

“Dapat hindi na circumvent ang batas, dapat nasunod ang due process at ang rules, hindi pwede ang shortcut. Justice delayed is justice denied. And justice conducted the wrong way is no justice at all,” pagdidiin pa ng senador.

Ang procedural move na ito na mosyon ni Senator-Judge Ronald “Bato” dela Rosa at sinusugan ni Senator-Judge Alan Cayetano ay inaprubahan sa pamamagitan ng 18-5-0 boto ng mga senador.

“At the very least, pag-aralan natin ito ng mabuti, baka maari natin itong ibalik o i-remand muna natin,” ang naging panukala naman ni Go.

Dahil malapit nang mag-adjourn ang Kongreso at ang bagong set ng senator-judges ay malapit nang maupo, nais hingan ng linaw ni Go kung ang paglilitis ay ligal bang maipagpapatuloy sa ika-20 Kongreso. May petisyon na sa Korte Suprema na humahamon sa nasabing proseso. 

“Para sa ordinaryong mamamayan, at lalo na sa aming mga binigyan ng tungkulin na maging senator judge sa paglilitis na ito, this opens up a lot of questions,” ani Go

Ipinaalala ni Go na bilang mga mambabatas, ang kanilang pangunahing tungkulin ay magpasa ng batas na mag-aangat sa buhay ng mga ordinaryong Pilipino — hindi upang “kainin” ng isang prosesong pagkakahati-hati at potensiyal na labag sa Konstitusyon.

“Mas mabuting unahin natin ang tunay nating trabaho — ang pagseserbisyo sa taong bayan,” paliwanag ni Go.

“Ang iniiwasan natin ay yung magpapasya tayo sa isang bagay na makakaapekto sa buhay ng bawat Pilipino, makakaapekto sa trabaho natin na makatulong sa tao, tapos hindi naman pala dumaan sa tamang proseso,” idinii pa niya.

Bilang senator-judge, nangako si Go na magiging parehas ngunit nilinaw niyang ang mas malaki niyang tungkulin ay itaguyod ang Konstitusyon. RNT