Inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go na dapat igalang o ikonsidera ang papel ng mga institusyong panrelihiyon at pamilya sa paghubog ng kaugalian, kalusugan, at edukasyon ng mga bata sa kontrobersyal na Senate Bill No. 1979, o ang Comprehensive Sexuality Education (CSE) bill.
“Alam n’yo ‘yung nakalagay kasi doon (sa bill), ‘yung international standards… mahirap ‘yon, kung medyo hindi katanggap-tanggap sa kultura nating mga Pilipino,” ayon kay Senator Go.
Binigyang-diin niya na kailangan ng masusi pang pagsusuri at konsultasyon sa mga stakeholder upang matugunan ang mga maling kuru-kuro at pinagtatalunang probisyon.
“Dapat po buksan muli, magkaroon ng hearing lahat ng stakeholders, tanungin, pag-usapan.”
Binanggit ni Go ang malalim na pagiging relihiyoso ng mga Pilipino at inihalimbawa ang sarili o ang pagpapalaki sa kanya ng magulang. “Kilala po ang Pilipino na religious… Lalo na ako, nanay ko, relihiyoso. Nagba-biyahe po ‘yun ng tatlong oras para makapagdasal lang at umakyat ng bundok.”
Idiniin ni Go na ang edukasyon, partikular sa maseselang bagay tulad ng sekswalidad, ay dapat magmula sa pamilya sa halip na ipaubaya sa mga paaralan, lalo sa murang edad.
“‘Yung itong pagtuturo ay hindi dapat diktahan. Dapat po manggagaling talaga ito sa bahay, sa pamilya… hindi lang sa eskwelahan… at sa murang edad, hindi handa ‘yung Pilipino.”
Ipinaliwanag ni Go na ang pagkakasama ng kanyang pangalan sa committee report ay dahil sa kanyang posisyon bilang chairperson ng Senate committee on health na nagsilbing secondary committee para sa panukala.
Gayunpaman, nilinaw niya na hindi dapat mapagkamalang suporta ang procedural inclusion na ito.
Sumulat na umano siya kay Senate President Chiz Escudero upang ipatanggal ang kanyang lagda sa committee report ngunit kung may substitute bill ay nakahanda siyang lumahok sa pagdinig sa Senado.
Muling iginiit ni Senator Go ang kahalagahan ng pagiging patas at inclusivity sa legislative decision-making na nagsusulong para sa isang bukas na diyalogo na isinasaalang-alang ang lahat ng pananaw.
Ikinabahala ni Go ang tungkol sa paraan kung saan maaaring gawin ang komprehensibong edukasyon sa sekswalidad sa murang edad. Ang naturang hakbang aniya ay hindi dapat salungat sa mga prinsipyo ng relihiyon at kultura ng bansa.
“Kasalungat po ito sa paniniwala natin sa ating relihiyon… Sa murang edad ay ganoon ang ituturo sa kanila kaya hindi po ako sang-ayon,” diin ni Go.
Ang CSE bill ay naging paksa ng mga debate kung saan ay marami ang nabahala na ang ilang aspeto ng iminungkahing kurikulum ay maaaring magsulong sa paggamit ng contraceptive at magpakilala ng mga paksa tulad ng pagkakaiba-iba ng seksuwal. Malaking taliwas aniya ito sa tradisyonal na kaugaliang Pilipino at sa mga turo ng institusyong panrelihiyon. RNT