Home METRO Bong Go: Pasyente ‘pag tinanggihan, DOH mananagot

Bong Go: Pasyente ‘pag tinanggihan, DOH mananagot

MANILA, Philippines- Nangako si Senator Christopher “Bong” Go, Senate committee on health chairman, na pananagutin ang Department of Health (DOH) kapag may namatay kahit na isang pasyente dahil tinanggihan sa mga ospital ng gobyerno.

Ginawa ng senador ang babala sa DOH matapos ang pagdinig ng Senate health committee na kanyang pinamunuan ukol sa kasalukuyang estado ng public health system sa bansa.

“You should stand by your memo na walang matatanggihan na pasyente rito. Dahil ‘pag merong namatay na pasyente rito dahil sa kahirapan, malaki po ang pananagutan n’yo po sa ating mga kababayan. Magsasalita talaga ako rito araw-araw kung meron pong namatay na pasyente dahil natanggihan at dahil po sa kahirapan na wala silang matakbuhan at tinanggihan po ng inyong opisina,” sabi ni Go.

Sa pagdinig, ibinahagi ni Go ang naging sitwasyon ng isang pasyente sa Ozamiz City, Misamis Occidental, na nanganib na maputol ang supply ng oxygen dahil sa kawalan ng pinansyal.

“Paano kaya natin matulungan ito through the MAIP program? Isipin niyo dahil sa oxygen… papatanggal na lang niya (oxyden), malalagutan siya ng hininga dahil sa kahirapan,” ani Go.

Ang Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP) ay ang programa ng DOH na nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga pasyenteng maralita at kapos sa pananalapi. Ang Malasakit Centers ang nagbibigay sa mga pasyente ng access para maka-avail ng programang ito.

Mismong si DOH Secretary Ted Herbosa ang dumalo sa pagdinig kung saan ipinaalala ni Go ang pangako ng ahensiya na tutuparin ang mandato nitong maayos na ipatupad ang Malasakit Centers Law na pangunahing iniakda at itinaguyod ng senador noong 2019.

Mayroon na ngayong 163 Malasakit Centers sa buong bansa na nakatulong na sa mahigit 10 milyong Pilipino, sa pamamagitan ng pagsisilbing one-stop shop sa pagbibigay ng tulong-medikal ng mga ahensiyang DOH, PhilHealth, Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

“I will stand by my commitment at ang 2024 allotment ng gobyerno para sa Medical Assistance for Indigent and Financially Compromised Patient ay P58 billion po,” ang tugon ni Sec. Herbosa.

Ibinida ni Herbosa kung gaano kaepektibo ang  Malasakit Centers sa pagsasabing “Umiiyak nga ang mga pasyente, nakakatanggap ng tulong galing sa ating opisina. So maganda ang nagagawa ng Malasakit (Centers) Act,” ayon kay Herbosa.

Tinalakay din ng iba pang resource person sa pagdinig, kabilang sina DSWD Project Development Officer Artemio Bautista at Malasakit Center Program Office Director Luz Jordana Jose, ang operational realities at success stories ng mga Malasakit Center.

Sa pagdinig, hiniling ni Go ang mga detalyadong ulat sa paggamit ng pondo kasabay ng pagbibigay-diin na walang pasyente na dapat talikuran sa paghingi ng tulong-medikal mula sa gobyerno. RNT