Home NATIONWIDE Pagbabalik ng school calendar dahil sa sobrang init, suportado ni Tolentino

Pagbabalik ng school calendar dahil sa sobrang init, suportado ni Tolentino

MANILA, Philippines- Nagpahayag ng pagsuporta si Senator Francis “Tol” Tolentino sa panukalang ibalik sa lumang school calendar ang klase ng mga mag-aaral dahil sa tumataas na heat index.

Nababahala sa umiiral na kondisyon ng mainit na panahon, tinanong ni Senator Tolentino si Department of Science and Technology (DOST) Secretary Ricardo Solidum kung magpapatuloy ang kasalukuyang heat index trend sa susunod na taon. Binigyang-diin niya ang pangangailangang maisaayos ang school calendar kung mananatili ang kondisyon ng init.

Sinabi ni Sec. Solidum na hindi pa kumpirmado ang pagpapatuloy ng kasalukuyang Heat Index Temperature (HIT) sa susunod na taon dahil sa nalalapit na pag-iral naman ng kondisyon ng panahon sa La Niña.  

Ang La Niña ay karaniwang nagreresulta sa mas malamig na temperatura kaya maaaring mag-iba ang kasalukuyang sitwasyon.

Bilang karagdagan sa pagtalakay sa mga implikasyon ng heat index, itinanong din ni Sen. Tolentino sa kalihim ang tungkol sa pagkakaiba ng heat wave at heat inadex.  Itinataguyod ng senador ang paggamit ng ‘heat wave’ bunsod ng international recognition  and prevalence nito sa mga turista.

Ayon kay Sec. Solidum, hindi karaniwang ginagamit ang salitang “heat waves” sa Pilipinas dahil sa nararanasang matataas na temperatura.  Bagama’t ang heat wave aniya ay kinikilala sa buong mundo, karaniwan itong nagaganap nang 3 hanggang 5 magkasunod na araw ng napakataas na temperatura.

Samantala, binigyang-diin ni Tolentino ang kahalagahan ng pagpapasya ng mga magulang sa kung dapat pumasok sa paaralan ang mga mag-aaral sa panahon ng heat wave.

Aniya, mahalaga rin para sa mga institusyong pang-edukasyon na magbigay ng mga alternatibong solusyon sa pag-aaral. RNT