Home METRO Cedric Lee, Deniece Cornejo, iba pa hinatulang guilty sa illegal detention

Cedric Lee, Deniece Cornejo, iba pa hinatulang guilty sa illegal detention

MANILA, Philippines- Hinatulang guilty ng Taguig RTC ang modelongsi Deniece Cornejo, negosyanteng si Cedric Lee at dalawang iba pa sa kasong serious illegal detention for ransom na isinampa ng actor-host na si Vhong Navarro.

Sa  94 pahinang desisyon ng Taguig RTC Branch 153, hinatulan sina Lee, Cornejo, Ferdinand Guerrero at Simeon Raz ng reclusion perpetua o katumbas ng 40 taong pagkakulong kaugnay sa kaso noong 2014.

Iniutos rin ng korte sa mga akusado na bayaran si Navarro ng P100,000 bilang civil indemnity, P100,000 bilang moral damages at P100,000 bilang exemplary damages.

Kinansela rin ng korte ang bail bond ng mga akusado.

Tanging sina Cornejo at Raz ang dumalo sa ginanap na promulgation nitong Huwebes at agad ipinakulong ng korte habang sina Lee at Guerrero ay inisyuhan ng arrest warrant.

Magugunita na January 2014 ay dinala si Navarro sa Southern Police District na sugatan matapos ireklamo ni Cornejo ng attempted rape.

Isinampa naman ng National Bureau of Investigation ng serious illegal detention laban kina Cornejo dahil sa extortion at pambubugbog kay Navarro.

Sinabi ng Taguig RTC na ang nangyari kay Navarro ay bahagi ng modus upang makakuha ng pera sa aktor. Teresa Tavares