Home METRO Water allocation mula sa Angat Dam ‘di babawasan – MWSS

Water allocation mula sa Angat Dam ‘di babawasan – MWSS

MANILA, Philippines- Inihayag ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) nitong Huwebes na hindi tatapyasan ang water allocation mula sa Angat Dam ngayong Mayo sa patuloy na nararanasang matinding init sa ilang bahagi ng bansa.

Sa isang panayam, sinabi ni MWSS department manager Patrick Dizon na hiniling nila sa National Water Resources Board na huwag bawasan ang kanilang alokasyon.

“Na-retain ‘yung 50 cubic meters o equivalent po ito ng around 4.3 billion litrong tubig po kada araw at na susuplayan po natin ‘yung 90% po no na water requirement po ng buong MWSS service areas para hindi po tayo magkaroon ng water service interruption,” pahayag ni Dizon.

Hanggang nitong Huwebes ng tanghali, sinabi ni Dizon na ang water level sa Angat Dam ay 187.12 metro.

“Malayo pa po ito sa atin pong critical level na 160 meters,” giit ng opisyal.

Samantala, inihayag din ni Dizon na nagpapatupad ang MWSS ng pressure management strategies upang makatipid ng tubig.

“Pero [ina-assure] naman namin sa ating mga kababayan na hindi naman po tayo mawawalan ng tubig sa mga oras na mag co-conduct kami ng mga pressure management strategies at hihina lamang po yung atin pong pressure ng ating tubig,” wika niya.

Nauna nang nagbabala ng weather bureau PAGASA na maaaring pumalo ang heat index sa pagitan ng 45°C at 54.8°C ngayong Mayo sa ilang bahagi ng bansa.

Sa kabila nito, sinabi rin ng PAGASA na dalawang tropical cyclones ang inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility ngayong Mayo. RNT/SA