MANILA, Philippines – Patuloy na nangunguna si Senator Christopher “Bong” Go sa mga pagpipilian ng mga botante para sa darating na 2025 senatorial elections, gaya ng lumabas sa pinakabagong resulta ng dalawang nationwide survey.
Sa PAHAYAG 2024 End-of-the-Year Survey ng PUBLiCUS Asia Inc. na isinagawa mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 3, nanguna si Senator Go sa unaided voting preference category sa senatorial aspirants na naghain ng kandidatura para sa 2025 elections.
Sa resulta ng aided voting preference, umakyat si Go sa ikaapat na puwesto mula sa kanyang nakaraang fifth-place ranking noong Oktubre, na lalong nagpatibay sa kanyang posisyon bilang top contender.
Katulad din sa Pulso ng Pilipino (PnP) Fourth Quarter Pre-Poll Survey ng Issues and Advocacy Center na isinagawa mula Nobyembre 5 hanggang Disyembre 1, napanatili ni Go ang matatag na posisyon sa ikalimang puwesto na may 46.5% voter preference.
“Uunahin ko ang pagseserbisyo sa kapwa ko Pilipino! Lubos akong nagpapasalamat sa patuloy na tiwala at suporta ng bawat Pilipino. Hindi ko po sasayangin ang oportunidad na ibinibigay ninyo sa akin,” deklara ni Go.
Binigyang-diin niya ang kanyang pananaw sa tunay na tagumpay na nakaugat sa pag-angat ng buhay ng mga nangangailangan, lalo na ng mga nasa laylayang Pilipino.
“Para sa akin, ang tunay na sukatan ng tagumpay ay kung paano natin natutulungan ang mga nangangailangan, lalo na ang mga mahihirap na mga Pilipino. Ang inyong patuloy na suporta ay nagbibigay ng lakas sa akin para ipagpatuloy ang ating nasimulan na serbisyong may tapang at malasakit,” dagdag niya.
Ang mga resultang ito ay nabuo sa magandang track record ni Go sa mga naunang survey.
Sa survey ng Tangere na isinagawa mula Nobyembre 6 hanggang 9, 2024, siya ay nasa ikatlong puwesto sa solidong 50.13% voters preference.
Sa October PUBLiCUS PAHAYAG 2025 survey kung saan ay nanguna siya sa unaided preference test, may 5% ng mga respondent ang kusang nagpangalan sa kanya. Sa aided portion, nakamit niya ang isang makabuluhang 35% voters preference.
Ang mga naunang survey ay sumasalamin din sa consistent popularity ni Go. Sa survey ng Pulse Asia noong Setyembre 2024, niraranggo si Go sa pagitan ng ika-apat at ika-siyam na puwesto, sa nakuhang 40.3% preference. Samantala, ang survey ng OCTA Research noong huling bahagi ng Agosto ay nagposisyon sa kanya sa pagitan ng ikatlo at ikaanim na puwesto na may 49% preference rating.
Idiniin ni Go ang kanyang pagtutok sa pagdadala ng mga programang pangkalusugan at pangkabuhayan sa mga Pilipino, na umaayon sa kanyang adbokasiya bilang “Mr. Malasakit.”
“Hindi po tayo tumitigil sa ating pagsisikap na mas mailapit ang mas maayos na serbisyo sa bawat Pilipino lalo na sa kalusugan at kabuhayan. Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong magseserbisyo sa inyo dahil bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo ‘yan sa Diyos,” ani Go. RNT