MANILA, Philippines – Hinikayat ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mananampalataya na sama-samang paghandaan ngayong Adbiyento ang Pasko ng pagsilang ng Panginoon at ang Ordinary Jubilee Year sa susunod na taon.
Sinabi ni Cardinal Advincula sa isang liham sirkular, na magandang pagkakataon ang Adbiyento upang ihanda ang mga sarili sa pagdiriwang ng Banal na Taon na may temang “Pilgrims of Hope.”
Binigyang-diin ang pagdiriwang sa Arkidiyosesis ng Maynila ang tatlong mahahalagang aspeto: ang Mukha ng Pag-asa, Paglago sa Pag-asa, at Pagbibigay ng Pag-asa.
Bilang bahagi ng paghahanda, iminungkahi sa mga parokya, mission stations, at mga pamayanan na gamitin ang inihandang catechetical videos ng arkidiyosesis, na maaaring ipalabas lalo na sa Simbang Gabi upang higit na maunawaan ng mga mananampalataya ang kahulugan ng Jubilee Year.
Lahat ay inaanyayahan ni Cardinal Advincula na makibahagi sa maringal na pagbubukas ng Jubilee Year sa Disyembre 30, 2024, ganap na alas-3 ng hapon sa Plaza Moriones, Fort Santiago, Intramuros, Maynila.
Isasagawa ang pilgrimage mula Plaza Moriones patungo sa Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception o Manila Cathedral, bilang simbolo ng sama-samang paglalakbay ng mga mananampalataya bilang mga ‘Kalakbay ng Pag-asa’.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa ad hoc committee para sa arkidiyosesanong pagdiriwang ng Jubilee Year sa email na [email protected].
Maaari ring bisitahin ang official facebook page na Lakbay Pag-asa – Arkidiyosesis ng Maynila, para sa mga update at iba pang detalye ng pagdiriwang. Jocelyn Tabangcura-Domenden