Home NATIONWIDE TOL: Oportunidad sa Pinay athletes, magpapalakas sa women’s sports

TOL: Oportunidad sa Pinay athletes, magpapalakas sa women’s sports

Si Tagaytay Councilor Micko Tolentino (gitna, naka-cap), ang panganay na anak ng senador, ang magsisilbing general manager ng Cavite TOL Patriots.

MANILA, Philippines – Ang pagbubukas ng mga oportunidad para sa mga atletang Pinay para ipakita ang kanilang kasanayan ay isang paraan ng pagbibigay sa kanila ng kapangyarihan at lubos na magpapalakas sa paglago ng sports ng kababaihan.

Ito ang ibinahagi ni Senator Francis ‘TOL’ Tolentino, sa pagpapakilala sa partial lineup ng Cavite TOL Patriots na sasabak sa inaugural tournament ng Women’s Maharlika Pilipinas Basketball League (WMPBL), simula Enero sa susunod na taon.

“Hindi tulad ng basketball ng mga lalaki, may mga limitadong pagkakataon para sa mga babaeng baller. Sa pagbibigay sa kanila ng pagkakataong ito na maglaro sa isang pambansang liga ng propesyonal ng kababaihan, binibigyan natin sila ng kapangyarihan, at kasabay nito, tinutulungan ang paglago ng basketball ng kababaihan sa bansa,” ani Tolentino, may-ari ng koponan ng Cavite TOL Patriots.

Ang sinabi ng senador ay sinegundahan ni team member Erika May Jimenez, 24, naglaro para sa University of the Philippines (UP) Lady Maroons sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP).

“Bilang babaeng atleta, naghahanap tayo ng pantay na pagkakataon. Handa kaming patunayan na kaya naming maglaro. Kung ano ang kayang gawin ng mga lalaking basketball player, kaya rin namin,” giit ni Jimenez.

Sinabi naman ni Bernice Paraiso, 25, na naglaro sa De La Salle University (DLSU) Lady Archers sa UAAP na “We are very grateful for this opportunity. Umaasa kaming mabigyang inspirasyon ang mga nakababatang henerasyon na pagkatapos maglaro sa kolehiyo, ang mga babaeng manlalaro ng basketball ay maaaring magpatuloy sa pakikipagkumpetensya sa isang pro league.

Ayon naman sa anak ng senador na si Tagaytay Councilor Micko Tolentino, na siyang general manager ng team, kakausapin nila ang pamunuan ng WMPBL para sa home games ng squad na gaganapin sa Dasmarinas City at Tagaytay City.

“Mayroon kaming mga homegrown na manlalaro at gusto naming makita ang aming koponan na pinapasaya ng aming mga kababayan,” sabi ng nakababatang Tolentino.

Ang squad ay ititimon ni Coach Mandell Martirez, anak ng Philippine Basketball Association (PBA) legend na si Rosalio ‘Yoyong’ Martirez.

“Dahil ang aming koponan ay kamakailan-lamang nabuo, kailangan naming ayusin ang aming sistema sa pamamagitan ng mga ensayo at maraming tuneup games kung kinakailangan,” ani Martirez.

Ang iba pang anak ng senador na sina Patrick Andrei at Jeb, ay magiging assistant manager ng koponan at director of player personnel, ayon sa pagkakabanggit. RNT