MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Alan Peter Cayetano kamakailan ang mga miyembro ng local universities and colleges (LUCs) na yakapin ang kanilang mahalagang papel sa pagbabago ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas.
Sa kanyang talumpati sa 17th Commission on Accreditation for Local Colleges and Universities (ALCUCOA) National Conference kamakailan, binigyang diin ni Cayetano, chairman ng Senate Committee on Higher, Technical, and Vocational Education, ang kahalagahan ng pagtutulungan at ang natatanging papel ng bawat indibiduwal sa sektor ng edukasyon.
“Katulad ng isang puzzle, we play a crucial role but each of us are only one part of the puzzle. If we give you all the funds pero wala naman kayo, may mangyayari ba?” aniya.
“We are all part of the puzzle. Kung ano ang specific role ng LUCs sa education ng ating bansa, we can figure it out together,” dagdag niya.
Ipinaliwanag din ni Cayetano kung paanong ang purpose, transformation, at vision — na tinawag niyang ‘PTV’ — ay mahahalagang sangkap para maabot ang mga mithiin ng LUCs.
Aniya, bagamat nakaayon ito sa plano ng Diyos, kinakailangan pa rin ang aktibong pagkilos upang maisakatuparan ang mga layuning ito.
“The Lord has plans for you, but will not plan for you. Similarly, the government has plans for you but you also have to plan for yourselves,” wika niya.
“When your head of LGU – mayor or governor – says may plano sila sa inyo, palaging hindi tipid sa picture pero tipid sa budget. Kasi may limitation ang budget ng gobyerno, pero ang Panginoon walang limit,” dagdag niya.
Aniya, katulad ng madalas na paghikayat ng mga paaralan sa kanilang mga estudyante na maging ehemplo sa kani-kanilang mga kurso, posible lamang ito sa pamamagitan ng sama-samang pagsisikap at pagkakaisa.
“You have plans and have a vision but you cannot plan for every student. It has to be the student and their family who will plan ‘When will I study? When will I exercise? Kakain ba ko ng masustansya o hindi?’” wika niya.
Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, hinikayat ni Cayetano ang mga miyembro ng LUCs na isalarawan kung saan nila nais dalhin ang higher education sa pagsapit ng taong 2025, at nangakong susuportahan ang kanilang adhikain.
“Taking over the Senate Committee on Higher, Technical, and Vocational Education, I really hope that we can be partners and walk with your vision,” aniya. Ernie Reyes