Home NATIONWIDE Bong Go, patuloy sa pagtulong sa mga nagigipit

Bong Go, patuloy sa pagtulong sa mga nagigipit

MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Senador Christopher “Bong” Go ang kanyang patuloy na misyon na tulungan ang mga komunidad na nasa kagipitan matapos magsagawa ng relief activity ang kanyang Malasakit Team sa mga nasunugan sa Parang, Maguindanao del Norte.

“Kahit anumang problema ang inyong hinaharap—sunog, lindol, baha, pagputok ng bulkan o kahit anong klaseng krisis—handa kaming tumulong at magserbisyo sa inyo sa abot ng aming makakaya. Huwag kayo mawawalan ng pag-asa dahil nandito kami na palaging nagmamalasakit sa inyo,” ayon kay Go.

Idinaos sa Sitio Kanduli sa Barangay Moropoint, tinulungan ng Malasakit Team ni Go ang mga nasunugan at binigyan sila ng tulong pinansyal, grocery packs, lalagyan ng tubig, bitamina, kamiseta, at bola para sa basketball at volleyball.

Kasabay nito, tinasa naman ng mga opisyal mula sa National Housing Authority ang mga biktima ng sunog upang matukoy ang kanilang pagiging kwalipikado para sa Emergency Housing Assistance Program (EHAP) nito.

“Sa pamamagitan nito, hindi lang natin sila tinutulungan na magkaroon ulit ng maayos na masisilungan, kundi binibigyan din natin sila ng bagong pag-asa,” paliwanag ni Go.

Bilang bahagi ng pagsisikap na tulungan ang mga komunidad na nasa kagipitan, nauna nang itinulak ni Go ang pagsasabatas ng Republic Act No. 11589 o ang Bureau of Fire Protection Modernization (BFP) Act na pangunahin niyang inakda at inisponsoran.

Dahil dito, inaatasan ang BFP na bumuo ng 10-year modernization fire program na kinabibilangan ng pagkuha at pag-upgrade ng mga kagamitan sa sunog, pag-recruit ng mas maraming fire personnel, at pagbibigay ng espesyal na pagsasanay, at iba pa.

Samantala, bilang chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, tinalakay ni Go ang kanyang mga hakbangin para gawing mas accessible sa mga Pilipino ang serbisyong pangkalusugan ng gobyerno.

Hinikayat niya ang mga nangangailangan ng tulong medikal na lapitan ang Malasakit Centers para sa kanilang mga bayarin na may kinalaman sa medikal.

Sa loob ng Maguindanao del Norte, ang mga Malasakit Center ay matatagpuan sa Sanitarium Hospital sa Sultan Kudarat at Cotabato Regional and Medical Center sa Cotabato City.

Maaaring ma-access ng mga residente ng Maguindanao del Sur ang Malasakit Center sa Maguindanao Provincial Hospital sa Shariff Aguak. RNT