Home NATIONWIDE Bong Go: Reporma sa ekonomiya maayos na ipatupad, may Cha-Cha o wala

Bong Go: Reporma sa ekonomiya maayos na ipatupad, may Cha-Cha o wala

IGINIIT ni Senador Christopher “Bong” na epektibong ipatupad ang mga umiiral na reporma sa ekonomiya upang maakit ang mga dayuhang mamumuhunan sa bansa sa gitna ng patuloy na balitaktakan ukol sa pag-amyenda sa 1987 Constitution.

“Sa ngayon po with or without amendments ng Constitution, marami tayong mga batas, mga economic reform laws, na kailangang maipatupad nang maayos upang maging attractive ang bansa sa foreign investors,” sabi ni Go sa ambush interview matapos niyang tulungan ang mga mahihirap sa Lucena City sa Quezon province.

Binanggit ni Go ang isa sa panukalang batas mula sa administrasyong Duterte, ang Republic Act No. 11659, kilala rin bilang Public Service Act. Ang batas na ito ay nagbibigay-daan sa 100% dayuhang pagmamay-ari sa mga pangunahing sektor tulad ng paliparan, riles, expressway, at telekomunikasyon.

Bukod pa rito, ang pag-amyenda sa Foreign Investments Act of 1991 sa pamamagitan ng RA 11647, ay nagliberalisa sa ekonomiya sa pamamagitan ng pag-aalis ng paghihigpit sa pagmamay-ari ng dayuhang negosyo. Pinahihintulutan nito ang 100% dayuhang pagmamay-ari sa labas ng mga sektor na nakalista sa Foreign Investment Negative List.

Dagdag pa ang pag-amyenda sa Retail Trade Liberalization Act of 2000 sa pamamagitan ng RA 11595, na nagbabawas ng minimum paid-up capital para sa mga dayuhang retailer. Ito’y nag-aanyaya sa mas maraming global brands na pumasok sa merkado ng Pilipinas.

Ang panghuli ay ang Ease of Doing Business Act of 2018, o RA 11032 na nagpapabilis sa mga serbisyo ng gobyerno o implementasyon ng “zero contact” policy. Nag-uutos ito ng awtomatikong pag-apruba sa mga aplikasyon na hindi naproseso sa loob ng itinakdang timeline, nang sa gayon ay mapabuti ang business environment kapwa sa lokal at dayuhang entidad.

Binigyang-diin ni Go na mahalaga na wastong maipatupad ang mga umiiral na batas na ito sa repormang pang-ekonomiya upang pasiglahin ang dayuhang pamumuhunan nang hindi kinakailangang baguhin ang Konstitusyon.

“Hindi naman ito basta-basta na bubuksan mo, isang batas lang na gusto mong ipasa… sa Lower House, at sa Senado…”
“Konstitusyon po itong pinag-uusapan natin. At my consistent stand, hindi po dapat ang pulitiko ang makikinabang. Sa anumang kaso sa posibleng pag-amyenda ng Konstitusyon, dapat pong makinabang dito ay ang ordinaryong Pilipino lalo na ang mahihirap nating kababayan,” ani Go.

Binigyang-diin ni Go na ang anumang iminungkahing pagbabago sa Konstitusyon ay dapat tiyaking walang hidden agenda at talakayan sa term limits.

“Dapat po walang hidden agenda, wala pong pag-uusapang term limits dapat diyan. Unahin muna ang kapakanan ng mga mahihirap nating kababayan,” anang senador. RNT

Previous article5 bayan sa Mindoro nasa gitna ng delubyo sa El Niño
Next articleAnak na lalaki ni Jaclyn, inaasahang uuwi mula sa US ngayon!