Home NATIONWIDE Bong Go sa Araw ng Kagitingan: HCWs mga modernong bayani 

Bong Go sa Araw ng Kagitingan: HCWs mga modernong bayani 

MANILA, Philippines- Bilang pagpupugay sa hindi natitinag na diwa at sakripisyo ng healthcare workers (HCWs) noong panahon ng pandemya ng COVID-19, patuloy na isinusulong ni Senador Christopher “Bong” Go ang agarang pagpapalabas ng Health Emergency Allowance (HEA) ng mga ito.

Katulad ng kagitingan ng mga bayaning Pilipino na ginugunita sa Araw ng Kagitingan, binigyang-diin ni Go ang kabayanihan ng HCWs sa modernong-panahon, lalo ang kanilang naging mahalagang papel sa paglaban ng bansa sa pandemya.

“Sila po ang mga bayani sa panahon ng pandemya. Hindi natin mararating ito na bumalik tayo sa normal kung hindi dahil sa kanilang sakripisyo,” ani Go ukol sa magigiting na HCWs na ang ilan ay nagbuwis pa ng buhay.

Sa isang pampublikong pagdinig ng Senate committee on health na kanyang pinamumunuan, tinalakay ang ukol sa HEA na naging batas sa layong matugunan ang  pangangailangan ng healthcare workers noong kasagsagan ng COVID- 19 pandemic.

“Mula noon hanggang ngayon, hindi ako tumitigil sa pag-apela sa gobyerno na ibigay na ang pending HEA sa mga kuwalipikadong HCWs,” ani Go.

Noong nakaraang Kongreso, isa si Go sa mga may-akda at co-sponsor sa Senado ng Republic Act No. 11712, na nagbibigay ng mga benepisyo at allowance sa HCWs noong panahon ng public health emergency. 

Kahit tapos na ang State of Public Health Emergency sa bansa, patuloy siyang umaapela sa executive branch na i-release ang nakabinbing HEA para sa mga kwalipikadong HCWs.

Nabatid na marami pang HCWs ang naghihintay ng kanilang HEA kaya nanawagan si Go sa Department of Health at Department of Budget and Management na pabilisin na ang pagpapalabas nito.

Ang HEA aniya ay lumilitaw na isa nang pagkakautang ng gobyerno sa mga manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan. RNT