Home NATIONWIDE Bong Go sa Brgy at SK: ‘UNAHIN ANG SERBISYO SA MAHIHIRAP’

Bong Go sa Brgy at SK: ‘UNAHIN ANG SERBISYO SA MAHIHIRAP’

MANILA, Philippines- Inaprubahan ng Senado noong Martes, sa ikatlo at huling pagbasa, ang Senate Bill No. 2816, na kung magiging batas, ay magtatakda ng 4-taong termino sa panunungkulan ng mga opisyal ng barangay at miyembro ng Sangguniang Kabataan (SK).

Suportado ni Senator Christopher “Bong” Go, isa sa may-akda, ang panukala na magbibigay ng katatagan at continuity sa local governance.

Sa kanyang manipestasyon sa sesyon ng Senado, sinabi ni Go na napakahalaga ng panukala para sa lokal na pamamahala para upang matugunan ang mga hamon na kinakaharap ng mga opisyal ng barangay at SK.

“Bilang isa sa mga may-akda, lubos akong natutuwa sa pag-usad ng panukalang batas na ito, dahil ito ay nagtataguyod ng katatagan at pagpapatuloy sa pamunuan ng barangay at SK,” pahayag ni Senator Go.

Ayon sa panukalang batas, magsisilbi ang barangay at SK officials sa apat na taon habang nililimitahan sila sa tatlong magkakasunod na termino sa parehong posisyon.

Ang susunod na regular na halalan para sa BSK ay gaganapin sa Oktubre 2027 at isasagawa ang susunod na eleksyon tuwing apat na taon.

Ipinaalala ni Senator Go sa mga opisyal ng barangay at SK na pagsilbihan ang kanilang mga nasasakupan at unahin ang mga kababayang mahirap.

“Ang aking opisina ay palaging bukas para sa lahat, lalo na po sa inyong mga nasasakupan sa inyong barangay,” panawagan niya.

Sinabi ni Go na sa pamamagitan ng pagpapalawig ng kanilang termino , pinapayagan silang i-maximize ang kanilang mga kontribusyon sa pag-unlad ng barangay, ng kabataan at sa pagbuo sa bansa.

Kinilala ng senador ang pagsisikap ni Senator Imee Marcos, ang principal sponsor ng panukalang batas.

Bilang tagapagtaguyod naman ng kapakanan ng barangay, kabilang sa mga priority legislative proposal ni Go ang Senate Bill No. 197, o ang Magna Carta for Barangay Officials.

Kung maisasabatas, ang panukalang batas ay magbibigay sa mga opisyal ng barangay ng makabuluhang benepisyo at pribilehiyo, pagkilala sa kanilang mga sakripisyo at pag-uudyok sa kanila na maglingkod sa kanilang mga komunidad nang mas epektibo.

Inihain din ni Go ang Senate Bill No. 427, ang Barangay Health Workers Compensation Act, na layong garantiyahan ang patas na kabayaran para sa barangay health worker na gumaganap ng mahalagang papel sa mga serbisyong pangkalusugan ng komunidad. RNT