Home NATIONWIDE DFA: Asawa ng Pinay na pinaslang sa Slovenia hawak ng mga awtoridad

DFA: Asawa ng Pinay na pinaslang sa Slovenia hawak ng mga awtoridad

MANILA, Philippines- Nasa ilalim na ng kustodiya ng mga awtoridad ang suspek sa likod ng pagpaslang sa 27-anyos na si Marvil Facturan-Kocjančič, ayon sa Department of Foreign Affairs, idinagdag na patuloy na nakikipag-ugnayan ang Philippine government sa ina ng biktima.

Kinondena ng DFA ang malagim na insidente at nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng biktima sa Pilipinas.

Pinatay umano si Marvil Facturan-Kocjančič ng kanyang asawang si Mitja Kocjančič, sa holiday sa isang resort sa Bled, Slovenia, noong December 29.

Tinukoy ng DFA ang asawa ni Marvil— si Mitja — bilang “prime suspect,” binanggit na nag-away umano ang dalawa bago ang insidente.

“The Philippine Embassy in Vienna, which covers Slovenia, is working on repatriation of remains using DFA funds,” pahayag ng  DFA.

Hindi lamang nito sinisikap na maiuwi ang mga labi ng Pilipina, binigyang-diin din ng Philippine government na sinisikap nitong makamit ang “justice for our kababayan.”

“The suspect is now under the custody of the authorities, and the Embassy is in communication with the mother of the victim,” wika ng DFA.

Batay umano kay Ambassador Luli Arroyo Bernas sa Vienna, sinabi ng ahensya na ang Slovenian government ay “very cooperative” at nangangalap ang Philippine Honorary Consul sa Bratislava ng impormasyon ukol dito. RNT/SA