Home NATIONWIDE Bong Go sa DMW: Linya 24/7 para sa OFWs, panatilihin

Bong Go sa DMW: Linya 24/7 para sa OFWs, panatilihin

Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang Department of Migrant Workers (DMW), gayundin ang attached agencies nito, gaya ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na panatilihing bukas 24/7 ang linya nito para sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa para matiyak na madali silang matutulungan sa oras na kailanganin.

Binigyang-diin ni Go ang mahalagang papel ng mga ahensyang ito sa pagprotekta sa kapakanan ng mga OFW kasabay ng pagsasabing dapat siguruhin ang responsableng paggamit ng pondo at pinalawak na suporta sa healthcare ng OFW at kanilang mga pamilya.

Bilang vice chair ng Senate finance committee, pinasalamatan ng senador ang mga opisyal ng DMW at OWWA sa ginagawang pagtiyak sa kapakanan ng OFWs.

“First and foremost, I would like to put on record my full support for this year’s proposed budget of the Department of Migrant Workers and the Overseas Workers Welfare Administration.”

“Your agencies have been an instrumental force in safeguarding the rights and welfare of our OFWs as it is your very mandate as an institution. I laud the efforts of your agencies, and I also acknowledge the major accomplishments that you have achieved under your respective tenures,” ayon kay Go.

Ipinaabot din ni Go ang kanyang pasasalamat kay Senator Joel Villanueva na nag-sponsor ng badyet ng DMW at pangunahing isponsor ng Republic Act No. 11641 noong nakaraang Kongreso, ang landmark na batas na nagtatag ng Department of Migrant Workers na isinulat at co-sponsor ni Go.

Bago ang pagkakatatag sa DMW, binanggit ni Go na umaasa lang sa iba’t ibang anyo ng suporta ang OFWs at madalas ay napipilitang humingi ng tulong sa iba’t ibang midyum ng media.

“Yung iba po ay nananawagan sa radyo, sa telebisyon, sa Facebook, kahit saan na lang po sila humihingi ng tulong,” paliwanag niya.

Bilang isa sa mga may-akda at co-sponsor ng batas na nagtatatag ng DMW, sinabi ni Go ang misyon at halaga ng departamento. Inilarawan ito bilang isang “haligi ng suporta” na idinisenyo upang matiyak ang patas na pagtrato, ligtas na kondisyon sa pagtatrabaho, at pag-access sa mga mahahalagang serbisyo para sa lahat ng mga migranteng manggagawa.

Nangako si Go patuloy na suportado ng Senado ang kapakanan ng OFWs.

Binigyang-diin ni Go na ang panlipunang proteksyon na ibinibigay ng DMW ay hindi lamang para sa mga migranteng manggagawa kundi pati na rin sa kanilang mga pamilyang nasa Pilipinas.

Dahil dito’y idiniin ni Go ang kanyang buong suporta sa DMW at sa mga pangangailangan nito sa badyet para sa 2025, gayundin sa mga plano at inisyatiba ng ahensya. ##