Home NATIONWIDE Bong Go sa DOH: Talupan, pinabayaan, namatay na baby sa ospital

Bong Go sa DOH: Talupan, pinabayaan, namatay na baby sa ospital

MANILA, Philippines – Ikinagalit at ikinadismaya ni Senator Christopher “Bong Go” ang pagkamatay ng isang 9-buwang gulang na sanggol dahil umano sa kapabayaan ng isang ospital sa Tagbilaran City, Bohol.

Nanawagan si Senator Go, chairperson ng Senate committee on health, ng isang patas, mabilis at masusing imbestigasyon sa insidente upang matukoy ang pananagutan at maiwasan ang mga katulad na trahedya sa hinaharap.

“Nakikiramay ako sa mga magulang ng baby na namatay matapos tatlong beses na diumano tinanggihang ma-admit sa Governor Celestino Gallares Memorial Hospital, isang DOH-run hospital, sa Tagbilaran City, Bohol,” sabi ni Go.

Hindi napigilan ng senador ang kanyang pagkadismaya, idiniin niyang walang Pilipino ang dapat na dumanas ng ganoong kapalaran dahil sa mga kapalpakan sa healthcare system.
Hinimok ni Senator Go ang DOH na magsagawa agad ng patas at masusing imbestigasyon at binigyang-diin na dapat managot ang mapatutunayang responsable sa insidente.

Nabunyag ang isyu matapos mag-viral ang Facebook post ng ina ng bata na si Maricel Igang.

Sa kanyang post, ikinuwento ni Igang na noong Marso 2 ay dumanas ng lagnat, pagsusuka, at pagtatae ang kanyang sanggol.

Tatlong beses niyang dinala ang bata sa ospital—noong Marso 3, 4, at 5—ngunit paulit-ulit na hindi in-admit ang sanggol matapos ikatuwiran ng mga medical staff na hindi naman kritikal ang kaso.

Nakiusap si Igang sa ospital na i-admit ang kanyang anak na noon ay nanghihina na at hindi tumutugon, gayunpaman, ang mga kawani ng ospital ay patuloy na minamaliit ang kalubhaan ng kondisyon ng kanyang sanggol.

Hindi nagtagal ay lalong lumala ang kondisyon ng sanggol hanggang sa idineklara nang patay.

Kaugnay nito, hinimok ni Sen. Go ang publiko na iulat ang anumang mga reklamo tungkol sa mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa kanyang tanggapan at tinitiyak niyang ang kanilang mga alalahanin ay diringgin at tutugunan.

Sinabi ni Go na ang pagtiyak na magkaroon ng mabilis na access at mahusay na serbisyo sa healthcare, lalo ang mahihirap, ang pangunahin niyang prayoridad.

“The health, welfare, and well-being of our people, particularly the poor, are my foremost concerns. Health is life and is non-negotiable for me,” sabi ni Go.

Aniya, sa kabila ng patuloy niyang pagsisikap na mapabuti ang mga serbisyo, marami pa ring Pilipino ang nahihirapang makakuha ng napapanahong pangangalagang medikal. RNT