MANILA, Philippines – MULING ibabalik ni dating Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang “Estero Rangers” na kanyang binuo upang maglinis ng mga kanal at iba pang daluyan ng tubig sa Lungsod ng Maynila.
Binuo ni Domagoso ang grupo ng Estero Rangers bilang pagsuporta ng kanyang administrasyon noon sa inilunsad na programang rehabilitasyon at paglilinis ng Manila Bay.
“Naalala ninyo ba ang ‘Estero Rangers’? Sila ang itinalaga para tumutok sa paglilinis ng ilog,” ani Domagoso na ngayon ay kandidato sa pagka-alkalde ng Lungsod ng Maynila sa nalalapit na halalan.
Kahit aniya proyekto ng pambansang pamahalaan ang rehabilitasyon sa Roxas Boulevard, may papel din na dapat gampanan ang Maynila na suportahan ito sa pamamagitan ng paglilinis at pagpapabuti sa mga daluyan ng tubig.
“Kami naman sa City of Manila ay naging bahagi rin ng programa sa aming sariling kakayahan,” pahayag ni Domagoso, kasabay ng pagbanggit sa Department of Public Service (DPS) na may malaking ambag na ginampanan sa pagpapanatili ng kalinisan sa lungsod.
“Dahil sa dedikasyon ng mga empleyado ng lungsod, patuloy nilang nililinis ang kalsada ng Maynila araw-araw,” dagdag ni Domagoso.
Ang naging kapansin-pansin pa aniya ay ang ginawang paglilinis sa Baseco kung saan tinangay lamang ng alon dito ang mga basura.
“Ang basura roon ay hindi naman talaga galing sa mga residente. Karamihan sa mga basura ay inaanod lamang mula sa Manila Bay at napapadpad sa dalampasigan,” paliwanag ni Domagoso.
Pero sa kabila aniya nito, hindi kinakitaan ng katamaran sa paglilinis ang mga Estero Rangers at maging mga residente ng Baseco lalu’t kalinisan at kaayusan ang isa sa kanyang prayoridad noon, sa gitna ng nakaumang na mga proyektong pang-imprastraktura, pabahay, edukasyon, at pangangalaga sa kalusugan.
“Mas mahirap gumawa ng pabahay, paaralan, o modernong ospital, pero ang paglilinis ng lungsod ay kayang-kayang gawin araw-araw dahil nariyan na ang mga kagamitan at tauhan ng lungsod,” giit pa ng nagbabalik alkalde ng Maynila. JR Reyes