Home NATIONWIDE Bong Go sa Kongreso, gobyerno: Magpokus na sa trabaho!

Bong Go sa Kongreso, gobyerno: Magpokus na sa trabaho!

Umapela si Senador Christopher “Bong” Go sa dalawang kapulungan ng Kongreso at sa pamahalaan na unahin ang kapakanan ng mga mahihirap na Pilipino upang malampasan ang mga hadlang sa ekonomiya ng bansa.

Ito ay makaraang hindi maabot ng bansa ang target na GDP nito para sa 2023.

Sa official data na inilabas noong Miyerkoles, Ang GDP growth ay umabot lamang sa 5.6% para sa 2023, napakaliit sa 7.6% growth noong 2022 o kinapos sa target ng gobyerno na 6% hanggang 7%.

Sa panayam matapos tulungan ang mga displaced worker sa Quezon, Nueva Ecija, sinabi ni Go na suportado niya ang patuloy na pagtutok ng Senado sa paglikha ng mga batas upang palakasin ang ekonomiya ng bansa at protektahan ang kapakanan ng mahihirap.

Binigyang-diin ang pagkakahati-hati ng nangyayaring debate sa charter change, hinimok niya ang dalawang kapulungan ng Kongreso gayundin ang ehekutibo na magpokus sa mas mahahalagang bagay na nakakaapekto sa mga ordinaryong Pilipino.

“Kaya nga po patuloy ang Senado sa pagtatalakay ng mga panukalang tutulong sa pagpapaunlad ng ating ekonomiya para maiangat po ang kabuhayan ng ating mga kababayan,” ani Go.

“Nananawagan po ako sa ating mga kababayan, mga kasamahan ko sa Kongreso, let’s focus on the work at hand and prioritize our fellow countrymen who are less fortunate,” iginiit niya.

Ukol sa panukalang People’s Initiative, idiniin ni Go ang kritikal na papel ng Senado sa legislative process, partikular sa konteksto ng proposal para sa Senado at House of Representatives na magkasamang boboto bilang constituent assembly sa pag-amyenda sa Konstitusyon.

Nanindigan si Go na babawasan nito ang mandato ng Senado na tiyakin ang checks and balances sa legislation. Mahalaga aniya ang bicameral system na nakasaad sa Konstitusyon bilang bahagi ng esensyal na istruktura ng gobyerno ng Pilipinas.

“Kaya po tayo bicameral. Kongreso at Senado para po kapag may mga probisyon na hindi kami sang-ayon ay pwede naming pag-usapan,” anang senador.

Muling pinagtibay ni Go ang kanyang pangako sa paglilingkod sa sambayanang Pilipino sa pagsasabing patuloy siyang magtatrabaho para sa kapakanan ng mga mahihirap.

Kaya naman nanawagan siya sa mga opisyal ng gobyerno na itigil na ang away sa pulitika at gawin ang sinumpaang tungkulin na pagsisilbihan ang mamamayan.

“Sana matapos na po itong away sa pulitika, bumalik po tayo sa ating trabaho, sa ating sinumpaang tungkulin na magserbisyo sa ating mga kababayan,” ani Go na nanawagan ng pagkakaisa sa bawat isa. RNT