MANILA, Philippines – Matagumpay na nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) ang lahat ng 26 mangingisda na stranded sa West Philippine Sea (WPS).
Ang mga mangingisda ay pawang mga residente ng Olongapo City na iniulat na nawawala matapos ang kanilang fishing venture matapos magkaproblema ang makina ng kanilang fishing banca.
Sinabi ni Zambales PCG sub-station Commodore Euphraim Jayson Diciano na ang fishing vessel FBCA “Sailing” ay umalis sa Barangay Kalaklan sa Subic noong Enero 19 ngunit bumigay ang makina nito sa layong 18 nautical miles o 33 kilometro sa southwest ng Sampaloc Point ng nasabi ding bayan.
Ayon kay Diciano, nagawang makapag-radyo ang Kapitan sa may-ari ng fishing banca na tumawag naman sa PCG substation sa Subic para ipagbigay alam ang sitwasyon ng mga mangingisda bago pa man mawalan ng koneksyon.
Agad na bumuo ng search and rescue team upang mahanap ang FBCA Saling.Gayundin inabisuhan ang Subic port control unit kaugnay sa insidente at pinayuhan ang lahat ng dumaraang sasakyang pandagaty sa lugar na ipagbigay alam sakaling mamataan ang nawawalang banca.
Noong Miyerkules nakarating ang PCG team sa lokasyon ng banca ngunit wala na ito sa lugar kaya napilitan ang rescue team na bumalik sa pampang bunsod na rin ng malakas na hangin at matataas na alon dahil sa amihan.
Lima pang crew ng isa pang fishing vessel na na-istranded sa Sampaloc Point matapos magkaaberya ang nasagip din ng mga tauhan ng PCG habang hinahanap ang FBCA Saling noong Martes. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)