MANILA, Philippines- Nalambat ang isang lalaki sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine National Police Drug Enforcement Group sa Barangay 81 sa Caloocan nitong Biyernes ng gabi.
Narekober sa suspek ang halos isang kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P6.8 milyon at buy-bust money.
Isinagawa ng PDEG ang buy-bust operation ng alas-11:45 ng gabi.
“Nung nakasa natin yung buy-bust operation natin napapayag natin yung target na dito po mangyari yung abutan at sa loob po ng sasakyan,” pahayag ni Police Lt. Homer Guiamalon, team leader ng PDEG Special Operations Unit Region 3.
Inilahad ni Guiamalon na halos isang buwan nilang tiniktikan ang 35-anyos na suspek na natukoy na isang security officer.
Binanggit din niya na isang high-value target ang suspek na nagdadala ng ilegal na droga sa ibang parte ng Metro Manila.
“Sa na monitor po namin, mula dito sa Caloocan and then umaabot po sa Malabon dahil taga-Malabon itong tao,” wika ni PLt. Guiamalon.
“Sa korte nalang ako magsasalita,” sabi naman ng suspek.
Kasalukuyang hawak ng Caloocan police ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/SA