MANILA, Philippines- Handa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tulungan ang jeepney drivers na apektado ng implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), ayon sa isang opisyal nitong Sabado.
“Ang DSWD ay nakahanda na magbigay ng tulong doon sa ating mga kababayan na maaapektuhan. Sa ngayon ay wala pa tayong natatanggap na impormasyon, but of course, kung mayroong lumapit at humingi ng request ito naman ay agarang tutugunan ng DSWD,” pahayag ni Assistant Secretary for Disaster Response Management Group Irene Dumlao sa isang news release.
“It will be, however, subject to the assessment of our social workers para matiyak natin kung ano ba iyong kaukulang tulong or interventions na nararapat na iparating sa kanila,” dagdag ni Dumlao.
Binanggit niya ang mga interbensyong ibibigay kabilang ang food o cash assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), at livelihood programs sa ilalim naman ng Sustainable Livelihood Program (SLP), “provided they are within the criteria of the two programs.”
Para sa SLP, prayoridad ang mga kabilang sa LISTAHANAN, ang database para sa mahihirap na pamilya, o mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), batay sa opisyal.
Sa ilalim ng PUVMP, dapat mag-consolidate ng operators sa individual franchises sa ilalim ng mga kooperatiba o korporasyon upang pangasiwaan ang pagbili ng bago at environmentally friendly transport vehicles.
Babawiin naman ang prangkisa ng PUV operators na hindi nag-consolidate bago ang April 30 deadline. RNT/SA