MANILA, Philippines- Matapos ang pinakahuling senatorial survey, lubos na nagpasalamat si Senador Christopher “Bong” Go sa walang patid na suporta at tiwala na ibinigay sa kanya ng sambayanang Pilipino.
Sa survey ng Pulse Asia sa buong bansa sa mga potensyal na kandidato sa pagka-senador para sa 2025 national midterm elections na isinagawa noong Marso 6-10, pumangatlo hanggang ikaapat na puwesto si Go, makaraang makakuha ng kabuuang 44.2% sa mga respondent.
Nanggaling sa kanyang paglalakbay mula sa isang abang nakaraan sa Davao City hanggang sa makamit ang mandato na maglingkod bilang senador noong 2019, muling idiniin ni Go ang kanyang dedikasyon sa paglilingkod sa mga tao, partikular sa mga nangangailangan.
“Ako po ay lubos na nagpapasalamat sa patuloy na suporta at tiwala na ibinibigay ng ating mga kapwa Pilipino sa akin,” ang sabi ni Go na binansagang “Mr. Malasakit” ukol sa positibong resulta sa kanya ng survey.
“Mula noon, hanggang ngayon, hindi ko sasayangin ang pagkakataong ito na makapagserbisyo sa inyo at maipaglaban ang kapakanan ng bawat Pilipino,” dagdag ni Go.
Mula nang maupo sa puwesto, nakatuon na si Go sa kanyang tungkulin sa pagtulong sa mamamayan, lalo sa mga mahihirap at pinakabulnerableng sektor. Udyok ito ng kanyang paniniwala na ang paglilingkod sa sambayanan ay paglilingkod sa Diyos.
“Bilang isang simpleng probinsyanong binigyan ng Panginoon at ng mga mamamayang Pilipino ng mandatong maglingkod bilang senador simula noong taong 2019, hindi ako tumigil sa aking mga gawain na makatulong sa kapwa sa abot ng aking makakaya, lalo na para sa mga mahihirap at pinakanangangailangan,” ani Go.
Ang mga senatorial survey, na nagsisilbing barometro ng opinyon at suporta ng publiko, ay nagpasigla sa pagganyak at motibasyon ni Go.
“Ang resulta ng mga pinakahuling survey ay nakawawala ng pagod at nagbibigay sa akin ng dagdag na lakas at determinasyon upang ipagpatuloy ang aking serbisyo para sa taumbayan,” anang senador.
Sa huli, sinabi ni Go na taos-puso siyang nagpapasalamat at nangakong magpapatuloy sa kanyang mga adbokasiya para sa ikabubuti ng bansa at ng lahat ng Pilipino.
“Muli, maraming salamat at ipagpapatuloy ko ang aking mga adbokasiya na makabubuti para sa bansa at sa lahat ng ating kababayang Pilipino,” idiniin ng mambabatas. RNT