Home NATIONWIDE Bong Go sa mga magulang: Gov’t vax suportahan vs paglaganap ng pertussis

Bong Go sa mga magulang: Gov’t vax suportahan vs paglaganap ng pertussis

Mariing umapela si Senator Christopher “Bong” Go sa mga magulang na suportahan ang pagsisikap ng gobyerno sa pagbabakuna sa mga bata laban sa pertussis, karaniwang kilala bilang whooping cough, gayundin sa iba pang kumakalat na sakit.

Sa ambush interview nitong Lunes matapos dumalo sa Malasakit sa Kooperatiba event sa Sta. Cruz, Laguna, sinabi ni Go na mahalaga at kritikal ang pagbabakuna ng pamahalaan lalo na sa mga bata.

“Mayroon pong vaccination drive ang ating gobyerno. Hinihikayat ko po ang mga magulang na magpabakuna. Libre naman po ito mula sa DOH (Department of Health), para mas protektado po ang ating mga anak,” iginiit ng senador.

Iminungkahi rin ng senadora ang mga pangmatagalang estratehiya para mapahusay ang kahandaan at pagtugon ng bansa sa mga nakakahawang sakit.

Kabilang dito ang pagpapabuti ng imprastraktura ng pangangalagang pangkalusugan, pagpapalakas ng mga kampanya ng pampublikong kamalayan sa pagbabakuna, at pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno, mga tagapagbigay ng healthcare services, at mga komunidad.

Binanggit ni Go ang pertussis na kasama sa mandatoryong programa ng pagbabakuna.

“Napakahalaga na maunawaan natin na ang pertussis ay isang sakit na maaaring maiwasan sa pamamagitan ng bakuna… Kasama naman ito sa mandatory vaccination program ng gobyerno na dapat maipatupad nang maayos ng mga ahensya para siguruhin na ang bawat isa, lalo na ang mga bata ay protektado laban sa sakit,” ani Go.

Sinamantala rin ni Go ang pagkakataon na ulitin ang kahalagahan ng paghahangad ng domestic capability para sa produksyon ng bakuna sa pamamagitan ng iminungkahing Virology Science and Technology Institute.

Aniya, mahalaga ang pagpuntirya sa mga pangmatagalang solusyon tulad ng self-sufficiency sa paggawa ng bakuna, lalo sa panahon ng mga hadlang sa pandaigdigang supply.

“Nag-file din po ako ng Senate Bill No. 196. Ito pong Virology Science and Technology Institute na sana pagdating ng panahon, may kakayahan tayong mag-produce ng ating sariling bakuna. Napakaimportante po nito,” paliwanag niya.

Ang SBN 196, kung maisasabatas, ay magtatatag ng Virology Science and Technology Institute na mag-aaral at mag-iimbestiga sa mga viral disease sa bansa. Kasama sa layunin ng panukala ay tulungan ang bansa sa pagbuo ng mga bakuna laban sa mga highly pathogenic na umuusbong na mga virus.

Naghain din si Go ng SBN 195, na layong itatag ang Center for Disease Control and Prevention sa bansa.

Palalakasin nito ang sektor ng pampublikong pangangalagang pangkalusugan ng bansa pagkatapos ng mga aral na natutunan mula sa pandemya ng COVID-19.

Mula Enero hanggang Marso 2024, 1,112 na kaso ng pertussis ang naiulat, may humigit-kumulang 54 na ang namatay, karamihan ay  batang wala pang 5 taong gulang.