NAGBABALA ang pamunuan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) hinggil sa ahigpit na pagbabawal sa pagpapalipad ng mga saranggola malapit sa paliparan sa Virac, Catanduanes matapos sumabit ang nylon string ng saranggola sa mga pakpak ng isang eroplano.
Nabatid na maswerteng hindi pumasok ang sinulid sa propeller na maaaring maging sanhi ng isang aksidente ngunit sa kabila nito ay napilitang bumalik sa airport ang eroplano at nag-emergency landing.
Pinapaalalahanan ang publiko na sa ilalim ng ordinansa ng bayan, ang mga ganitong insidente ng paglabag ay may multa na P2,500.
Nabatid na sakop ng nasabing ordinansa ang 43 barangay sa loob ng limang kilometrong radius ng Virac Airport.
Nitong mga nakaraang buwan, ilang saranggola ang nakumpiska ng mga tauhan ng CAAP sa paligid ng paliparan.
“Ang malalaking saranggola na pinalilipad dito, ‘pag ito kinain o na-ingest ng engine lalo na nitong ating commercial flight, delikadong mag-cause ito ng pagkasira o magkaroon ng emergency,” paliwanag ni Primo Eleda, Airport Manager ng Virac Airport.
Nabatid din na maging ang mga hot air balloon, aerial drone, o anumang lumilipad na kagamitan na maaaring magdulot ng panganib sa mga operasyon ng sasakyang panghimpapawid, ay hindi rin pinapayuhan na lumipad malapit sa nabanggit na paliparan. Jay Reyes