MANILA, Philippines- Nabahala si Senador Christopher “Bong” Go sa pagsalakay ng mga peste sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kaya hinimok niya ang mga awtoridad na gumawa ng mabilis at epektibong aksyon sa paliparan na nagsisilbing pangunahing gateway ng bansa.
Ginawa ni Go, miyembro ng Senate public services committee, ang pahayag kaugnay ng pamemeste ng mga surot, ipis at daga sa NAIA.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng paliparan lalo na para sa mga turista at lokal na manlalakbay at ang negatibong epekto ng naturang infestation sa imahe ng Pilipinas.
“Unang-una, ang airport po natin ang sumasalubong sa ating mga turista, foreign guests at mismong local travelers. Ako mismo, sumasakay po ako diyan sa NAIA. Napakapangit naman na may problema sa peste diyan,” sabi ni Go.
“Sana po ay maayos ito, soonest possible time at walang surot, walang daga. Sobrang nakahihiya naman po sa mga bisita natin dito na may makikitang surot at daga diyan sa NAIA,” dagdag ng senador.
Ang mga komento ng senador ay mula sa dumaraming reklamo ng pasahero at mga ulat ng balita na nagdedetalye ng masamang karanasan sa bedbug ng isang manlalakbay sa Terminal 2.
“May pondo naman po ang gobyerno. Nakikiusap po ako sa mga awtoridad, nakikiusap po ako sa Department of Transportation… sa DOTr, sa ating NAIA management, may pondo naman kayo. Nagbabayad naman po ng buwis ang Pilipino, gamitin niyo lang po sa tama,” idinagdag ni Go.
Nananawagan din siya ng pananagutan at wastong paggamit ng mga resources upang matugunan kaagad ang isyu.
Kamakailan ay kumilos na ang Manila International Airport Authority (MIAA) at pinalakas ang mga hakbang sa pagkontrol sa mga peste sa pagsisimula ng isang komprehensibong pagsusuri sa mga sistema at kalinisan nito.
Kinilala ni MIAA General Manager Eric Jose Ines ang mga sanitary lapses at inako niya ang responsibilidad para sa infestation kasabay ng paghingi ng paumanhin sa mga apektadong indibidwal.
Ang pinahusay na mga hakbang sa kalinisan ay iniutos niya, kabilang ang inspeksyon at pagpapausok sa mga lugar ng upuan at ang pagtanggal ng mga rattan chair.
Kasunod ng pagkawala ng kuryente na nagdulot ng abala sa NAIA, nanawagan din si Go, noong Hunyo ng nakaraang taon, sa mga kinauukulang awtoridad na gumawa ng mga kinakailangang pagsisikap upang maiwasan ang mga ganitong insidente. RNT