Home NATIONWIDE Bong Go sa para-athletes: Tunay kayong mga inspirasyon

Bong Go sa para-athletes: Tunay kayong mga inspirasyon

Sa seremonya ng pagbubukas ng 8th Philippine National Para Games (PNPG) na ginanap noong Linggo, binigyang-diin ni Senador Christopher “Bong” Go na ang tagumpay sa palakasan ng mga kalahok ay dulot ng kanilang tiyaga at determinasyon na harapin ang mga hamon.

Bilang chairperson ng Senate committee on sports at committee on youth, pinuri ni Go ang dedikasyon ng mga atleta na nakikipagkumpitensya sa iba’t ibang sports, gaya ng archery, badminton, boccia, chess, swimming, table tennis, wheelchair basketball, athletics, at powerlifting.


“Sa ating mga atleta na sumali sa iba’t ibang sports… tunay po kayong inspirasyon. Ang inyong determinasyon na magtagumpay… ay nagpapakita ng inyong lakas ng loob at sipag na magsilbing huwaran para sa lahat,” ani Go na idiniin ang kanilang katatagan ng mga atleta at ang kanilang papel bilang mga huwaran.

Inulit ang pangakong patuloy na isusulong ang sports sa bansa, sinabi ni Go na ang sports ay hindi lamang tungkol sa kompetisyon kundi mahalaga din para sa pangkalahatang kagalingan.

Naniniwala siya na ang sports ay hindi lamang para sa kumpetisyon, kundi para rin sa ikabubuti ng kalusugan at kalidad ng buhay.

Naging adbokasiya na ng senador na ipakilala ang sports upang manatiling malusog ang bawat isa at umiwas sa masasamang bisyo.

Ang kanyang kampanya na “get into sports, stay away from drugs to keep us healthy and fit” ay sumasalamin sa kanyang pananaw sa isang lipunan kung saan ang sports ay nagtatanim ng disiplina, pagtutulungan, at paggalang sa mga mamamayan nito.

Ang PNPG na ginaganap sa Rizal Memorial Sports Complex at Philsports Complex sa Pasig City mula Nobyembre 10 hanggang 14, ay isang pangunahing pambansang kompetisyon para sa mga atletang may kapansanan na nagbibigay ng landas sa pambansang representasyon sa mga prestihiyosong internasyonal na kompetisyon tulad ng ASEAN Para Games at Paralympics.

Sa humigit-kumulang 903 na rehistradong atleta, ang PNPG ay gumaganap ng isang mahalagang papel sa pagpapaunlad ng pagkakaisa at representasyon sa Philippine sports.

Para kay Go, kahanga-hanga ang para-athletes na kadalasang binabansagan bilang PWDs o “persons with disabilities” kaya nais niyang tawagin sila bilang “persons with determination.”

Matatandaan na si Go ang nag-akda at pangunahing nag-sponsor ng Senate Bill No. 2789, na naglalayong amyendahan ang RA 10699, upang dagdagan ang mga insentibo para sa mga para-atleta. Ang panukalang batas ay naglalayon ding tiyakin na pantay ang mga oportunidad sa lahat ng mga atleta.

Maaalala ring si Go ang nag-facilitate ng financial grant, katuwang ang PSC, para suportahan ang Filipino para-athletes na lumahok sa 2024 Paris Paralympic Games. Bawat Filipino paralympian ay nakatanggap ng suportang pinansyal na P500,000.

At bilang punong may-akda at sponsor ng Senate Bill No. 2514, ang Philippine National Games bill, sinabi ni Go na layon nitong i-institutionalize din ang PNPG, na kinikilala ang kahalagahan ng isang inclusive platform para sa lahat ng mga atleta. RNT