Home NATIONWIDE Bong Go sa PhilHealth fund transfer: Desisyon ng SC, hintayin muna

Bong Go sa PhilHealth fund transfer: Desisyon ng SC, hintayin muna

MANILA, Philippines – SA kanyang privilege speech sa plenaryo ng Senado, idiniin ni Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health, na dapat munang hintayin ang magiging desisyon ng Korte Suprema bago ipatupad ang kontrobersiyal na paglilipat ng PhilHealth funds sa national treasury.

Ang unused P89.9 billion PhilHealth subsidies ay isasauli sa national treasury at kinumpirma ni Department of Finance Secretary Ralph Recto na ito ay ipatutupad batay sa Republic Act No. 11975, o ng 2024 General Appropriations Act.

Habang nakabinbing ang kaso sa Supreme Court, kinuwestyon ni Go ang planong paggamit sa naturang PhilHealth funds sa mga proyektong walang kinalaman sa healthcare.

“Hindi kaya dapat hintayin muna natin ang desisyon ng Supreme Court bago natin gamitin ang pondo ng PhilHealth sa iba’t ibang mga proyekto na wala namang kinalaman sa kalusugan?” ang tanong ni Go.

“Legally, baka meron silang magandang palusot. But morally? For me — THIS IS UNACCEPTABLE,” idiniin ng mambabatas.

Sinabi ni Go na habang may bilyun-bilyong pondo na nakatengga ang PhilHealth, marami pa ring pasyente ang naghihingalo at walang pambayad sa ospital.

Sa public hearing noong August 20 na pinangunahan ng komite ni Go, nangako ang PhilHealth representatives na aayusin nito ang mga isyu sa ahensiya.

“First, paalala ko lang po sa PhilHealth, increase your case rates,” ani Go.

Ipinaliwanag niya na ang PhilHealth ay mayroong humigit-kumulang 9,000 kaso na tumutukoy sa coverage na ibinibigay nila para sa mga partikular na sakit. Iniulat ni PhilHealth President Ledesma na nagtaas na ng 30% ang ahensya noong Enero at binabalak na itaas ito ng 60% bago matapos ang taon.

Gayunpaman, nag-alala ang senador kung sapat ba ang nakaplanong 60% pagtaas upang matugunan ang kakulangan sa coverage ng PhilHealth. Ipinunto niya na ang PhilHealth ay kulelat sa pagbibigay ng benepisyo sa loob ng 12 taon kaya kahit may 60% pagtaas, ang mga benepisyo ay hindi pa rin sapat kumpara sa aktwal na gastos sa paggamot.

Tiniyak ni Go sa publiko na patuloy niyang susubaybayan ang pag-usad ng mga nakabinbing pangako ng PhilHealth, kagaya ng sinabing irerekomenda kay Pangulong Marcos na babawasan ang premium rates.

Sa ngayon ayon kay Go, dapat pigilin ang paglilipat ng PhilHealth funds sa national treasury o sa non-health-related projects.
Iginiit niya na ang full implementation ng Universal Health Care Act ay malayo pa sa katotohanan kung kaya ang lahat ng resources ng PhilHealth ay dapat na magamit para mangyari ito.

“I urge this august Chamber to hold PhilHealth to its commitments. Ang dami po nilang pinangako sa Pilipino, at bilang representante ng mamamayan, nararapat lang na bantayan natin at siguruhin na tuparin nila ang pangako nila sa ating mga kababayan,” idiniin ni Go.

“Ang Philhealth ay health insurance para sa Pilipino. To ensure the health and life ng bawat Pilipino,” pahabol pa niya. RNT