MANILA, Philippines – Inamin ng isang notary public sa Senado na hindi personal na nanumpa si pinatalsik na Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa kanyang counter-affidavit hinggil sa human trafficking complaint na isinampa ng Department of Justice.
Sa ginanap na pagdinig ng Senate subcommittee on justice and human rights, pinuna ni Senator Risa Hontiveros si Atty. Elmer Galicia sa pagnonotaryo ng counter-affidavit ni Guo kahit hindi ito personal na nanumpa sa kanyang opisina sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Nakanotaryo ang dokumento noong Agosto 14 noong nakalabas na ng bansa si Guo na ibinulgar ni Hontiveros sa kanyang privileged speech ang pagpuslit ng pugante noong pang Hulyo.
Sinabi ni GaIicia na isang nagngangalang Allan, miyembro ng kanilang relihiyon, na hindi alam ang huling pangalan ang tumulong kay Guo sa pagnonotaryo.
Aniya, nagtungo si Allan sa kanyang opisina at nagsabing, “Magpapanotaryo si mayor.”
Hiningian niya ito ng pagkakakilanlan at ibinigay ang driver’s license ni Guo.
“Kung meron man pong pagkakamali on my part na ma-identify na si Alice Guo, hindi ko alam kung siya o hindi, basta nagpakita ng ID, hindi ko alam kung siya talaga ‘yun o hindi…Sa ngayon hindi ko na masabi kung siya talaga ang nakita po pero hawig po,” aniya.
Idinagdag niya na walk-in client si Guo at nagpakilalang si Alice nang kanyang tanungin.
“Tinanong ko po kasi siya eh, Mayor Alice Guo? Sabi niya sa akin, Alice na lang po. ‘Yung po ang sabi niya sa akin,” ayon kay Galicia.
Inamin din ni Galicia na medyo nagulat siya nang malaman na isang mayor ang magpapanotaryo sa kanya dahil hindi nagpupunta sa kanyang tanggapan ang isang high-profile para magpanotaryo.
Inatasan umano niya si Alan na hindi na kailangan pang bumaba ng sasakyan, at humarap si Guo saka magtungo sa kanyang tanggapan.
“Si Alan po ang nagbigay sa akin,” ayon kay Galicia na tugon sa tanong kung personal na ibinigay ni Guo upang ipanotaryo.
Kinuwestiyon din ni Hontiveros kung paano namumpa si Guo kung nananatili siya sa kanyang sasakyan.
“Hindi na po siya nanumpa sa akin,” ayon kay Galicia.
Aniya, tanging si Alan ang nagbigay ng dokumento at kinuha pagkatapos manotaryo at hindi na niya nalaman ang mga sumunod na pangyayari.
“Hindi na po ako bumaba kasi may mga ginawa na po ako sa office ko. Hindi ko na po alam kung anong nangyari,” aniya.
Iginiit naman ni Senador Joel Villanueva na nakalagay sa dokumento na ito ay “subscribed and sworn” sa harap ni Galicia.
“Tapos binanggit po ng ating resource person na hindi po nanumpa sa kanya. Just for the record,” ani Villanueva.
Binanggit din nina Hontiveros at Senador Sherwin Gatchalian na hindi pinapirma ni Galicia si Guo sa notarial book na dapat nitong gawin.
“Ang alam ko po talaga sa form na sinasubmit ko sa notarial section, wala naman po doon portion na kailangan papirmahin po ‘yung nagpapanotaryo,” ani Galicia.
Ani Galicia, hindi nito nalalaman na may arrest order si Guo dahil hindi naman niya pinanonood ang imbestigasyon ng Senado.
Hindi rin ibinigay ni Galicia ang apelyido ni Allan na pawang miyembro ng kanilang organisasyon na ayaw nitong kilalanin. Ernie Reyes