MANILA, Philippines- “Cross my heart, cross my heart ka pa d’yan. Tuparin niyo ang pangako ninyo.”
Ito ang naging sagot ni Senate committee on health chairperson Senator Christopher “Bong” Go nang tanungin kung may tiwala siya sa mga “pangako” ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na aayusin ang mga serbisyo nito kasunod ng pagkakadiskubre sa reserbang pondo nito na P500 bilyon at ang P89.9 bilyon ay nakatakdang ibalik sa National Treasury, ayon sa utos ng Department of Finance.
Hindi maipaliwanag ni PhilHealth President Emmanuel Ledesma sa pagdinig ng komite noong Agosto 20 kung bakit hindi pa inirekomenda ng PhilHealth kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pagbabawas sa premium contribution rate ng mga miyembro. Maaalalang sa pagdinig noong nakaraang buwan, sinabi ni Ledesma kay Go na “kaagad” niyang irerekomenda kay Pangulong Marcos ang pagbabawas ng kontribusyon ng miyembro.
Pinuna ni Senator Go ang “moralidad” sa pagkakaroon ng PhilHealth ng labis na pondo habang maraming Pilipino — na pawang benepisyaryo nito alinsunod sa Universal Health Care Act — ngunit hindi makabayad sa kanilang mga gastusin sa pagpapagamot.
Ito ang nagtulak kay Go na kwestyunin ang anumang karagdagang pondo para sa PhilHealth sa darating na 2025 budget deliberations.
“Bakit kayo bibigyan ng subsidy sa 2025 eh meron pa kayong reserve fund na 500 billion? Unfair naman, baka pwedeng gamitin ito sa ibang tulong pampagamot o serbisyong pangkalusugan para sa mga mahihirap. Kung hindi nyo magagamit, wawalisin na naman yan ng Deparment of Finance,” sabi ni Go dahil na rin sa controversial transfer ng PhP89.9 billion excess funds ng PhilHealth sa national treasury.
“Nako, kapag hindi ninyo tinupad ang inyong mga pangako na tatanggalin ang single period of confinement policy, increase sa case rates, expand benefit packages, babantayan natin ‘yan. Dapat po ay bawasan ang inyong budget sa 2025,” ang babala ni Go.
Sa katatapos na pagdinig ng committee on health, binigyang pansin ni Go ang single period of confinement policy ng PhilHealth — na tinawag niyang “no repeat-sakit policy”— kung saan ang ilang kaso ay hindi saklaw ng PhilHealth kung ang isang pasyente ay sinusuri, ginagamot para sa parehong kaso nang higit sa isang beses sa loob ng 90 araw.
Inilarawan ng senador na “illogical” ang patakaran habang mismong si PhilHealth chief Ledesma ang nagsabing “mali” ito at nangakong pag-aaralan ang pagbasura nito.
“With this, we reiterate our appeal to PhilHealth to use the available funds for health to help Filipinos with their healthcare needs. Ang pondong para sa health ay dapat gamitin para sa health!,” ani Go. RNT