Hiniling ni Senador Christopher “Bong” Go sa publiko na ipagdasal si dating Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng pag-aresto kanya ng Philippine National Police (PNP) sa bisa umano ng inilabas na warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC).
“Sa mga kababayan po natin, maghinahon po kayo, keep calm. Ipagdasal niyo po si dating Pangulong [Rodrigo] Duterte. Ipagdasal muna natin. Importante sa kanya ang kasulugan,” ani Go sa panayam nang magtungo siya sa Villamor Airbase kung saan dinala ang dating Pangulo.
Hiniling din ni Go sa gobyerno na tiyakin ang kaligtasan ni Duterte.
Gayunman, tinanggihan si Go na makapasok sa Villamor Air Base kung saan dinala si Duterte matapos ang arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Naroon siya para magdala ng pagkain kasama ang matagal nang manggagamot ni Duterte na si Dr. Agnes del Rosario.
“Aside from being concerned po, yun naman ang pinangako ko sa kanya noon pa; mas importante po sa akin ang kalusugan niya,” anang senador.
Sa isang Facebook live, sinabi ni Go na nagreklamo si Duterte ng pananakit ng likod kamakalawa ng gabi at nakaiskedyul para sa isang undisclosed medical procedure.
Aniya, kasama ni Duterte sina Honeylet Avanceña, anak nilang si Veronica “Kitty” Duterte, Executive Secretary Salvador Medialde, at nurse nito.
Tiniyak ni Go na susundin ni Duterte ang mga legal na pamamaraan dahil siya ay isang abogado.
Kinumpirma ng Malacañang na natanggap ng Interpol Manila ang opisyal na kopya ng warrant of arrest laban kay Duterte ng madaling araw noong Martes, Marso 11.
Ngunit sinabi ni Go na hindi niya alam kung anong dokumento ang ipinakita kay Duterte dahil hindi niya nakita ang warrant of arrest. RNT