Isinagawa ni Sheriff Roland Gabayan ng Human Settlements Adjudication Commission (HSAC) ang isang inspeksyon upang alamin kung sumunod ang Multinational Village Homeowners Association Inc. (MVHAI) sa Writ of Execution na inilabas noong Pebrero 3, 2025.
Ang closed-door meeting ay ginanap sa opisina ng head of security ng village at dinaluhan ng mga abogado ng MVHAI, mga residente, at miyembro ng asosasyon.
Ayon kay Gabayan, tanging ang mga abogado ng magkabilang panig ang may karapatang maglabas ng opisyal na pahayag tungkol sa resulta ng pagpupulong. Siniguro rin niya na isusumite niya sa kanyang mga nakatataas ang lahat ng kanyang obserbasyon, ang mga napag-usapan, at kung paano siya trinato ng security team ng village. Ang kanilang desisyon ang magbibigay linaw sa isyung ito.
Nagkaroon ng tensyon nang bumalik si Gabayan sa opisina ng asosasyon, matapos mabalitaan ng mga homeowners ang kanyang pagdating. Nagprotesta ang mga residente laban kay Arnel Gacutan, na nananatili pa rin sa kanyang posisyon kahit may inilabas nang kautusan ng perpetual disqualification na nagbabawal sa kanya na humawak ng anumang posisyon sa asosasyon.
Nakasaad sa Writ of Execution na kinakailangang payagan ng kasalukuyang board na buksan at inspeksyunin ang mga libro ng asosasyon. Gayunpaman, hinarang ng mga security guard, na sinasabing kontrolado ni Gacutan, ang pagpasok ng mga residente sa clubhouse para samahan si Gabayan sa inspeksyon, na nauwi sa mainitang sagutan.
Patuloy na ipinagtataka ng mga residente kung bakit nananatili pa rin sa puwesto si Gacutan sa kabila ng desisyong inilabas ng HSAC, na itinuturing nilang pinal at dapat nang ipatupad maliban na lang kung kuwestyunin ito sa Court of Appeals.
Nanindigan ang mga homeowners na may karapatan silang makapasok sa clubhouse dahil sila ang tunay na may-ari nito. Patuloy din nilang iginiit ang agarang pagbaba ni Gacutan sa kanyang posisyon bilang pagsunod sa legal na desisyon ng HSAC. Dave Baluyot