Binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go ang mahalagang papel ng Republic Act No. 11959, kilala rin bilang “Regional Specialty Centers Act”, bilang tugon sa nakababahalang istatistika na ang sakit sa puso ang pangunahing sanhi ng kamatayan sa Pilipinas.
Pangunahing itinaguyod ni Go at isa sa mga may-akda sa Senado, ang batas ay nag-uutos sa paglikha ng mas maraming specialty center sa mga regional hospital sa buong bansa upang mailapit ang espesyal na pangangalaga sa mga nangangailangan.
Sa ilalim ng Regional Specialty Centers Act, ang mga kasalukuyang ospital ng Department of Health sa Pilipinas ay magkakaroon ng specialty center na nakatuon sa special care, kinabibilangan ng sakit sa puso, at iba pa, bukod sa Philippine Heart Center sa Quezon City.
“Meron kasing ibang nasa malalayong lugar na hindi na pumupunta sa mga espesyalista para magpakonsulta dahil sa sobrang layo. Imbes na igastos sa pamasahe, ibili na lang nila ng bigas at ulam,” paliwanag ni Go.
“Kaya ang simpleng sakit katulad ng high blood pressure, dahil hindi natugunan, nahuhulog sa mas malalang kondisyon, katulad ng mga heart diseases. Mas magastos pa para sa pamilya at sa gobyerno,” dagdag niya.
Ang sakit sa puso ay nananatiling pangunahing sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas sa unang kalahati ng 2023, ayon sa Philippine Statistics Authority.
Ang ischemic heart disease ang pinakakaraniwan, na umaabot sa 19% ng lahat ng pagkamatay mula Enero hanggang Hulyo 2023, na may mahigit 65,000 kaso.
Ang mga neoplasma, o abnormal na paglaki ng tissue na maaaring maging cancerous ang pangalawang pangunahing sanhi ng kamatayan, sinusundan ng mga sakit sa cerebrovascular tulad ng stroke, na nag-aambag sa 10% ng pagkamatay. Pang-apat ang diabetes mellitus, na nagdudulot ng 6.3% ng pagkamatay.
Ang trend ng ischemic heart disease bilang nangungunang sanhi ng kamatayan ay pare-pareho sa paglipas ng mga taon, na may higit sa 123,000 pagkamatay noong 2022 at higit sa 155,000 noong 2021. Kumakatawan ito sa 18% at 17% ng kabuuang pagkamatay, ayon sa ulat.
Bukod sa espesyal na pangangalaga, idiniin din ni Go ang pangangailangan para sa maagang pagtuklas ng sakit.
Kaya naman hindi rin tumitigil si Go sa pagsuporta sa pagtatatag ng mas maraming Super Health Centers sa buong bansa. Makatutulong ito nang malaki upang mabawasan ang rate occupancy sa mga ospital. RNT