Home NATIONWIDE Bong Go: Sports kontra droga

Bong Go: Sports kontra droga

Hinikayat ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga kabataan na maging aktibo sa paglahok sa sports upang mailihis sila sa panganib ng paggamit ng iligal na droga, kagaya ng inilunsad na Mikey Belmonte Cup 2024 noong Linggo sa Quezon City

Bilang bahagi ng kanyang adbokasiya na isulong ang grassroots sports development, nakikipagtulungan si Sen. Go sa Philippine Sports Commission at sa mga lokal na pamahalaan.

Idiniin ni Go, chairperson ng Senate committee on sports, ang kritikal na papel ng sports sa pag-iwas ng mga kabataan sa mapaminsalang bisyo, partikular na ang iligal na droga.

Ayon sa senador, ang sports ay hindi lamang isang libangan kundi napakahalagang bahagi ng isang malusog na pamumuhay.

Nagpasalamat siya kay Councilor Mikey Belmonte sa dedikasyon nitong suportahan ang mga lokal na may talento sa sports.

“Bilang chair ng Senate committee on sports, saludo ako kay Councilor Mikey Belmonte sa kanyang pagtutok at suporta sa ating mga atleta.”

Sinamantala ni Go ang nasabing pagkakataong ito para talakayin ang kanyang legislative efforts na naglalayong pahusayin ang sports sector, kabilang ang matagumpay na pagtatatag ng National Academy of Sports sa New Clark City, Tarlac, sa ilalim ng Republic Act No. 11470, na kanyang inakda at co-sponsored.

Ayon kay Go, ang akademya ay patunay ng dedikasyon ng gobyerno na isama ang academic at sports excellence na nagbigay sa student-athletes ng mga makabagong pasilidad.

Bukod dito, kabilang din sa isinusulong ni Go ay ang Senate Bill No. 2514, o ang Philippine National Games (PNG) Act, na naglalayong i-institutionalize ang isang komprehensibong balangkas para sa pambansang programa sa palakasan. Ang panukalang batas ay naipasa na sa huling pagbasa sa Senado.

Ipinaliwanag ng senador na ang kanyang vision para sa sports ay higit pa sa kompetisyon.

“Ang pagtitipon na ito ay hindi lamang nagpapakita ng galing at talento sa sports, kundi patunay din ng ating pagtutulungan at pagkakaisa bilang isang bayan,” ayon sa senador. RNT