Home NATIONWIDE Bong Go tinulungan ang Iba, Zambales sa bagong municipal hall

Bong Go tinulungan ang Iba, Zambales sa bagong municipal hall

Sinalubong at pinasalamatan si Sen. Bong Go ng mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Iba, Zambales dahil sa kanyang suporta para maitayo ang kanilang bagong munisipyo.

MANILA, Philippines – Sa makabuluhang pagpapalakas sa imprastraktura ng Iba, Zambales, dinaluhan ni Senador Christopher “Bong” Go ang pagpapasinaya ng bagong munisipyo ng bayan noong Biyernes, Hulyo 5.

Bilang vice chair ng Senate committee on finance, malaki ang naging papel ni Go sa pagtataguyod at pagpopondo ng proyekto dahil alam niyang napakahalaga nito sa komunidad.

Sa seremonya, itinampok ni Go ang benepisyong maidudulot ng bagong munisipyo sa mga nasasakupan ng Iba.

“Ang municipal hall na ito ay hindi lamang isang gusali; ito ay simbolo ng pag-unlad at serbisyo sa mga mamamayan ng Iba. Ito ay dinisenyo upang matugunan ang mga pangangailangan ng ating mga mamamayan nang mahusay at epektibo,” sabi ni Go.

Bilang adopted son ng bayan ng Iba at lalawigan ng Zambales, ipinagmalaki ni Senator Go ang bagong munisipyo at pinuri ang lokal na pamahalaan, sa pangunguna ni Congressman Jay Khonghun, Congresswoman Doris “Bing Maniquiz, Governor Hermogenes “Jun” Ebdane, Vice Governor Jacqueline “Jaq” Khonghun, Mayor Irenea “Aireen” Maniquiz Binan, at Vice Mayor Joan Ballesteros, bukod sa iba pa, sa kanilang walang humpay na pagsisikap na paunlarin ang bayan.

“Ipinagmamalaki kong makita kung hanggang saan na ang narating ng Iba. Ang hindi natitinag na pagsisikap ng lokal na pamahalaan ay naging instrumento upang maisakatuparan ang proyektong ito. Ang bulwagang ito ay magsisilbing sentro ng pamamahala at serbisyong pangkomunidad,” ayon sa senador.

Opisyal na idineklara ng bayan ng Iba sa Zambales si Go bilang adopted son noong 2022 dahil sa pagkilala sa kanyang track record sa epektibo at mahusay na serbisyo publiko, sa kanyang pagsisikap sa pagbibigay kapangyarihan sa mga local government unit, at sa kanyang makabuluhang kontribusyon sa lehislatura.

Binigyang-diin sa resolusyon ang ilang proyekto na matagumpay na naisakatuparan ng senador sa bayan.

Kabilang dito ang pagtatayo ng Phase I at Phase II ng GO IBA Municipal Building, pagbibigay ng tulong pang-edukasyon sa sektor ng kabataan, at pagbibigay ng suportang pinansyal sa mga operator at tsuper ng tricycle, tindero sa palengke, barbero, mangingisda, at magsasaka sa panahon ng pandemya ng COVID-19.

Muling pinagtibay ni Senador Go ang kanyang suporta sa bayan at sa buong lalawigan ng Zambales sa pagbibigay -diin sa kritikal na papel ng mga proyektong pang-imprastraktura sa pag-unlad ng rehiyon.

Ang bagong municipal hall ay patunay sa pagtutulungan ng mga pambansa at lokal na pamahalaan na naglalayong itaguyod ang pag-unlad at pagpapabuti ng kapakanan ng komunidad sa Iba, Zambales. RNT