MANILA, Philippines – Umapela si Senator Christopher “Bong” Go na ibalik sa dati ang budget ng Office of the Vice President (OVP), partikular ang para sa social services program nito.
Binigyang-diin ang dedikasyon at pangako ni Vice President Sara Duterte sa pagtiyak na walang Pilipinong matatalikuran, sinabi ni Go na ang sapat na pondo ay mahalaga sa pagpapanatili ng mga serbisyong panlipunan at mga programang tulong ng OVP.
“’Yung malasakit po ni Vice President Sara ay hindi lamang sa salita—ito po’y nakikita natin sa kanyang pagtulong,” ani Go na binibigyang-diin ang tatak ng administrasyong Duterte sa pagbibigay prayoridad sa kapakanan ng publiko.
Ayon kay Go, maraming naghihirap na nangangailangan ng tulong mula sa gobyerno kaya huwag itong ipagkait sa opisinang may mandato na tumulong para sa ikabubuti ng maraming Pilipino.
Sa isang panayam sa media, sinusugan ni VP Sara ang sentimiyento ni Go sa pagsasabing kung walang sapat na badyet, daan-daang tauhan sa buong satellite operations ng kanyang opisina ang nanganganib na mawalan ng trabaho.
Binanggit niya na maraming kawani ang OVP na nakatuon sa pagtulong sa mga Pilipino sa buong bansa, lalo sa pamamagitan ng mga programa sa serbisyong panlipunan.
“Of course, lahat ng personnel are hopeful na madagdagan ang budget dahil, as explained naman sa statement ni Senator Bong Go, gusto ng lahat magtrabaho,” ani VP Duterte.
“Kung maibabalik siya, malaking bagay siya dahil hindi namin hihindian ‘yung mga lalapit sa opisina namin para humingi ng tulong,” idinagdag ng Bise Presidente.
Sa deliberasyon ng Senado sa panukalang 2025 national budget, hinimok ni Go ang kanyang mga kasama na muling irekonsidera ang proposed budget cut, sa pagsasabing ang pagbabawas sa pondo ng OVP ay maglilimita sa access sa kritikal na tulong para sa mga Pilipino, lalo sa mga apektado ng natural na kalamidad at kahirapan sa ekonomiya.
“Ito lang po ang aking pakiusap sana para sa social services, para mas marami pang mabigyan po ng tulong at mas marami pang matulungan,” sabi ni Go sa kanyang interpellation.
Binanggit ni Go ang ilang pangunahing programa ng OVP na maaapektuhan ng pagbawas sa badyet, kinabibilangan ng mga programang Magnegosyo Ta Day, Educational, Medical, and Burial Assistance Program, at ang Disaster Response Program.
Ang inisyatibang Magnegosyo Ta Day ay nagbibigay ng grants at training sa maliliit na may-ari ng negosyo, partikular sa mga kababaihan, para mapanatili at mapalago ang kanilang mga kabuhayan. Kung walang sapat na pondo, ang inisyatiba maaaring bumagsak at malimitahan ang abot at epekto nito.
Isa sa pinakamahalagang programa ng OVP, ayon kay Go, ay ang Disaster Response Program. Ang programang ito ay naging instrumento sa pagbibigay ng tulong sa panahon ng kalamidad, pamamahagi ng relief packs, at iba pang mahahalagang tulong sa mga apektadong lugar.
Dahil dito’y nanawagan si Go sa mga kasamahan na madagdagan o maibalik ang pondo ng OVP na naaprubahan sa NEP for 2025.
“Para naman po makapagtrabaho nang maayos ang ating Bise Presidente na parte po ng Executive Branch of the government. Para naman meron tayong working Vice President at hindi lang po spare tire. RNT