Home NATIONWIDE Bong Go, umayuda sa mga binagyo

Bong Go, umayuda sa mga binagyo

PERSONAL na nagtungo si Senator Christopher “Bong” Go sa lalawigan ng Cagayan noong Lunes upang alamin ang kalagayan at mamigay ng ayuda sa mga sinalanta ng Bagyong Egay.

Unang binisita ni Go ang mga residente ng Sanchez Mira, Cagayan at kasunod na tinulungan ang mga binagyo sa bayan ng Santa Ana.

“Mga kababayan ko nandito po ako para magbigay ng tulong sa mga apektado ng bagyo,” anang senador na personal na pinangunahan ang relief operations sa mga nasabing komunidad na pinadapa ni “Egay”.

Nangako si Go na magpapatuloy ang kanyang tulong sa mga naapektuhang mamamayan sa abot ng kanyang makakaya.

Ilang probinsya ang inilagay na sa ilalim ng state of calamity dahil sa malawakang pagkamatay at pinsala ng bagyong “Egay” na sinundan ng bagyong “Falcon” at monsoon rains.

“Gaya ng ginagawa ko noon, tuwing may bagyo, sinusubukan ko talagang makabisita dito at makatulong. Noon, sa Aparri at iba pang bayan pa,” ani Go na tiniyak sa mga residente na laging nakahanda ang kanyang opisina sa mga relief effort.

Idineklara ang Cagayan sa ilalim ng state of calamity dahil sa pinsalang dulot ng bagyo, ayon na rin sa rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council nito.

Sa kabila ng malungkot na sitwasyon, sinabi ni Go na  sinisikap niya at ng gobyerno na makapagbigay ng bahagyang ngiti sa mga nagdadalamhati. Binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng pagtutulungan at pag-unawa sa mga panahong ito ng pagsubok.

“Alam ko malungkot ang mga kababayan natin, pero kapag nakikita kong masaya sila masaya na rin po ako. Kaya narito po ako para tumulong sa abot ng aking makakaya, mapakinggan ang inyong mga hinaing, makatulong sa inyong muling pagbangon, at makapag-iwan ng ngiti,” anang mambabatas.

Pinasalamatan ng senador ang mga lokal na opisyal ng Cagayan na nagtulong-tulong din na makapagbigay ng serbisyo sa kanilang nasasakupan, sa pangunguna ni Cagayan Governor Manuel Mamba; Sanchez Mira Mayor Abraham Bagasin at Vice Mayor Asela Sacramed.

Kaugnay ng pananalasa ng mga bagyo, muling binigyang-diin ni Go na dapat nang itatag ang Department of Disaster Resilience (DDR) upang mapabuti ang kahandaan at kakayahan ng bansa sa pagtugon sa mga dumarating na kalamidad.

Ang kagawarang ito ang magpapabilis sa disaster management upang mas maging produktibo at mahusay ang pagtugon sa mga natural na kalamidad.

Ang panukala ni Go na Senate Bill No. 188 ay layong lumikha ng isang departamento na magbubuklod sa lahat ng kinakailangang tungkulin at responsibilidad na kasalukuyang nakakalat sa iba’t ibang ahensya ukol sa usaping may kinalaman sa kalamidad.

Isinusulong din niya ang pagsasabatas sa SBN 193 para magkaroon ng permanente, ligtas at maayos na evacuation centers sa bawat munisipalidad, lungsod at lalawigan sa buong bansa.##