Home NATIONWIDE Bong Go, umayuda sa mga kooperatiba sa Central Luzon

Bong Go, umayuda sa mga kooperatiba sa Central Luzon

MANILA, Philippines- Bumisita si Senator Christopher “Bong” Go sa San Fernando City, Pampanga noong Huwebes, para personal na suportahan ang pamamahagi ng financial grants sa 47 micro scale cooperatives sa buong Central Luzon sa ilalim ng Malasakit sa Kooperatiba program. 

Ang inisyatibang ito ng Cooperative Development Authority (CDA) ay layong bigyan ang micro at small cooperatives ng kinakailangang suporta upang mapanatili at mapalawak ang kanilang operasyon.  

Binigyang-diin ni Senator Go ang kahalagahan ng mga kooperatiba sa pagpapaunlad ng ekonomiya at pagkakaisa ng komunidad. 

“Alam ko pong hindi madali ang pagtataguyod ng isang kooperatiba—kailangan ng tiyaga, dedikasyon, at higit sa lahat, pagkakaisa. Kaya naman saludo po ako sa inyong lahat,” ani Go sa mga nagsidalo.

Anang senador, ang mga kooperatiba ay hindi lamang negosyo kundi isang salamin ng bayanihan ng mga Pilipino, kung saan ang mga miyembro ay nagtutulungan upang maiangat ang kabuhayan ng bawat isa.  

Muling pinagtibay ni Go ang kanyang pangako na isusulong ang kapakanan ng kooperatiba sa pamamagitan ng mga panukalang batas at mga hakbang sa pagpopondo. 

“Dahil dito, patuloy kong sinusuportahan ang Cooperative Development Authority sa kanilang mga programa, tulad ng Malasakit sa Kooperatiba, na nagbibigay ng financial assistance sa micro at small cooperatives,” sabi ni Go.

Dumalo sa okasyon ang mga opisyal ng CDA, kabilang sina Asec. Abdulsalam Guinomia, pinuno ng Education Advocacy Union, at Asec. Virgilio Lazaga, pinuno ng Agriculture Cluster. Dumalo rin ang mga regional at provincial cooperative officers, kabilang sina Carolina Miguel, assistant regional director ng CDA Region III, at Leilani Babista, chairperson ng Regional Cooperative Development Council.  Naroon din ang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na si Benny Jocson. RNT