KUNG nagkaroon sana ng halalang pampanguluhan mula Hunyo hanggang Setyembre 2025, walang kapana-panalo si Pangulong Bongbong Marcos kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte.
‘Yan ay kung pagbabatayan ang resulta ng sarbey na isinagawa ng Pulse Asia at Social Weather Station sa nasabing panahon.
Tingnan ninyo, mga brad, ang natagpuan ng Pulse Asia.
Si Bongbong, bumagsak ang approval rating nito mula sa 42% noong Hunyo sa 33% nitong Setyembre at 44% ang hindi aprub at bumaba ang pagtitiwala sa kanya mula sa 39% sa 34%.
Itong si Sara, bagaman bumaba ang aprub sa kanya mula sa 59% sa 55%, 22% lang ang hindi aprub, tumaas ang pagtitiwala sa kanya mula 54% sa 56%.
Sa halos kasabay na sarbey naman ng Social Weather Station, bumagsak ang pagtitiwala ng taumbayan kay Bongbong mula 48% noong Hunyo sa 43% nitong Setyembre.
Si Sara naman, bagaman bumaba rin ang pagtitiwala sa kanya mula sa 61% noong Hunyo sa 53%, mas mataas pa rin ito kumpara kay Bongbong.
Sa pangkalahatan, walang kapana-panalo si Bongbong kay Sara, maliban lang sa balance Luzon o sa labas ng Metro Manila.
Kung magpapatuloy ito hanggang 2028, magbantay-bantay na lang ang mga kandidatong ie-endorso ni Bongbong na kandidatong Pangulo, Pangalawang Pangulo at mga senador.
Bagaman hindi rin nakasisiguro si Sara sa panalo ng kanyang mga kandidato, kabilang ang kanyang sarili, nakalalamang pa rin siya sa pag-eendorso.
May problema nga lang.
Walang nakatitiyak na magkaroon ng halalan dahil may mga nagsusulong ng kawalan nito o no-election o pang-aagaw ng gobyerno sa iba’t ibang paraang ikalulusaw pansamantala ng halalan bilang paraan ng pagpili ng pambansang pinuno.
Kudeta ang isang paraan at mamumuno ang militar at pulisya, hindi ang sibilyan.
May nagtatangka ring gawin ang Nepal style na makaraang mapatalsik ang Prime Minister ng Gen Z revolution, ang dating Chief Justice na babae ang kanilang iniupo bilang pinuno.






