Home NATIONWIDE Book publishing law, rerepasuhin sa Senado

Book publishing law, rerepasuhin sa Senado

MANILA, Philippines – Isusulong ni Senador Sherwin Gatchalian ang isang oversight review o pagrepaso sa Book Publishing Industry Development Act (Republic Act No. 8047) upang tiyakin kung nakakasabay ang book publishing industry sa pagbabago ng panahon at sa digitalization.

“Nakatutuok ang batas na lumikha ng National Book Development Board (NBDB) sa mga printed na aklat, pero paano tayo makakasabay sa digitalization? Paano natin mahihikayat ang mga publishers na maging digital? At paano natin paiigtingin ang access ng publiko sa impormasyon lalo na’t digital na lahat ngayon?” tanong ni Gatchalian sa mga stakeholder sa isang pagdinig sa panukalang National Reading Month Act (Senate Bill No. 475).

Ayon kay Atty. Jane Blessilda Fabula mula sa Office of the Executive Director ng NBDB, walang programa sa kasalukuyan ang ahensya upang suportahan ang digitization ng aklat.

Aniya, nababahala ang mga stakeholder dahil sa mga copyright infringement issues.

“Magsasagawa tayo ng oversight sa mandato ng NBDB upang suriin kung tumutugon ba sila sa mga pagbabago ng panahon. Nakikita ko rin ang mga oportunidad para sa paggamit ng mga digital books,” dagdag na pahayag ni Gatchalian.

Mandato ng Book Publishing Industry Development Act sa NBDB na bumuo ng mga plano, programa, mga polisiya at pamantayan sa paglikha, produksyon, at distribusyon ng mga aklat. Bahagi rin ng mga responsibilidad ng Board ang pagsasagawa ng pananaliksik tungkol sa book publishing industry, kabilang ang monitoring at paglikom ng datos at impormasyon sa produksyon ng mga aklat.

Ngunit ayon sa isang pagdinig na isinagawa ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), humaharap sa maraming hamon ang produksyon ng mga textbook para sa mga pampublikong paaralan. Ayon kay NBDB Officer-In-Charge Division Chief Kevin Ansel Dy, inaabot ng tatlo hanggang limang taon ang proseso ng rebisyon na tumatagal lamang dapat ng 180 araw.

Kabilang sa mga dahilan ng matagal na proseso ng rebisyon ang magkakatunggaling mga komento at ang kawalan ng buong atensyon mula sa Bureau of Curriculum and Development ng Department of Education (DepEd). Giit din ng NBDB, kinakailangan din ang kompetisyon sa industriya upang matiyak na may mga dekalidad na materyal na magagamit ang mga mag-aaral.

Ayon sa 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM), walo sa 100 mag-aaral sa Grade 5 ang nagbabahagi ng kanilang mga reading at mathematics textbooks sa dalawa pang mga mag-aaral. Lumabas sa naturang pag-aaral na mas mataas ang marka sa Reading, Writing, at Mathematics ng mga mag-aaral na may sariling textbook. Ernie Reyes