Home NATIONWIDE ‘Books on Wheels’ sa QC barangays, pinuri ni Tolentino

‘Books on Wheels’ sa QC barangays, pinuri ni Tolentino

“Some of the best practices in governance can be found in the grassroots, in our barangays.”

Ganito ang sinabi ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino matapos purihin ang ‘Books on Wheels’ project ng Barangay San Isidro sa Galas, Quezon City na nagtuturo sa mga bata ng mga pangunahing kaalaman at kasiyahan sa pagbabasa.

Sa panayam sa radio program ng senador na ‘Morning Chill’ sa DWAN 1206 AM, ibinahagi ni Leonor Alfonso, konsehal ng Barangay San Isidro, na ang literacy project ay inilunsad ng barangay noong Enero ng taong ito.

Mula noon, ang proyekto ay nakapagsilbi na sa mga bata sa iba’t ibang komunidad, ayon kay Alfonso, tagapangulo ng committee on women, children and family relations ng barangay.

“Marami pong kabataan na kahit nag-aaral ay hindi pa rin nakapagbabasa. Kaya nakipag collaborate po kami sa Quezon City public library. Nagtuturo po kami sa iba’t ibang lugar sa aming barangay,” idinagdag niya.

Binanggit ni Alfonso na ang isang guro at isang librarian na itinalaga ng pamahalaang lungsod ay naglalakbay kasama ang mobile library upang magsagawa ng mga sesyon ng pagbabasa para sa mga bata at mag-aaral.

Dahil sa inspirasyon ng proyekto, nangako si Tolentino na tutulungan ang barangay na magtayo ng isang e-library upang madagdagan ang pangangailangan sa pag-aaral ng mga estudyante sa kanilang komunidad. Mainit na tinanggap ni Barangay chair John Reyno ang panukala ng senador.

“Let’s work together to set up an e-library right at the barangay hall, where children can read and study,” sabi ng senador.

Dagdag pa ni Tolentino, maraming paraan para sa pambansa at lokal na pamahalaan, kabilang ang mga barangay, upang pagsamahin ang kanilang pagsisikap na maiangat ang antas ng edukasyon para sa mga kabataan. RNT