MANILA, Philippines- Hindi na nakawala sa mga awtoridad ang isang lalaking brutal na nang-abuso sa kanyang buntis na asawa na ginamitan ng bote ang maselang bahagi nito.
Kinilala ang suspek na Alyas “Allan”, 52-anyos, foreman, at residente ng Brgy. San Juan, Cainta, Rizal. Dakong alas-2:10 ng hapon nitong Miyerkules, naaresto si alyas Allan sa Brgy. Sto. Domingo ng mga tauhan ng Cainta Municipal Police Station sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Qualified Object Rape — isang krimeng may kaakibat na piyansang P200,000.
Ayon sa imbestigasyon, noong Disyembre 31, 2008 ay isinagawa umano ng suspek ang karumal-dumal na panggagahasa sa sarili niyang buntis na misis sa pamamagitan ng pagpalsak ng bote sa maselang bahagi ng katawan nito. Ang insidente ay nagresulta sa matinding pagdurugo, impeksyon, at pinsala sa sanggol sa sinapupunan.
Kasalukuyang nakakulong na ang suspek sa Cainta Custodial Facility habang inaasikaso ang mga legal na proseso. Inabisuhan na rin ng mga pulis ang korte na nagpalabas ng warrant ukol sa matagumpay na operasyon. Maritess Pumaras