MANILA, Philippines – Pinaiimbestigahan at pinaboboycott ni Zambales Rep Jefferson Khonghun ang Makati-based firm na Infinitus Marketing Solutions na nabunyag na kasabwat ng Chinese Embassy sa pagpapakalat ng mga “narratives” at fake information.
Kasabay nito, umapela si Khonghun sa Department of Justice (DoJ) na tignan ang operasyon ng Infinitus Marketing Solutions sa pagitan ng Chinese government at suriin ang mga paglabag.
“There must be a violation somewhere in our laws for a Filipino company or a firm operating in our country that works against our national interest,” ani Khonghun.
“If there is, the concerned agencies should file charges against Infinitus Marketing Solutions and its responsible officers,” giit pa nito.
Sa naganap na Senate hearing ay una nang ibinunyag ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang kontrata ng Chinese government sa Infinitus, ang kontrata ay sa pamamagitan ng “keyboard warriors” o ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon para suportahan ang interes ng China.
“China’s government through its embassy is paying Filipino troll farms to oppose and smear the administration,” ani Khonghun.
Lumabas din sa nasabing pagdinig na may pinopondohan ang China na mga pro-senatorial candidate.
Sinabi ni Khonghun na nakakabahala ito dahil malinaw na panghihimasok ito sa pulitika ng Pilipinas.
Hinimok ni Khonghun ang mga botante na maging mapanuri at huwag suportahan ang mga kandidato na sumusuporta sa China.
Aniya, ang mga kandidato na sumusuporta sa China ay pawang kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa halip na suportahan ang mga pro-China senatorial candidates, umapela si Khonghun sa mga botante na suportahan ang mga kandidato na tumututol sa pananakop ng China. Gail Mendoza